Filtered By: Topstories
News

Pinas parang ‘chicken joy’ na madaling ibenta, ayon sa bagong tourism chief


MANILA – Inihalintulad ng bagong kalihim ng Department of Tourism na si Ramon Jimenez ang Pilipinas sa isang produktong ibinebenta ng isang fastfood chain na madali umanong ibenta. Nitong Huwebes, nanumpa si Jimenez sa Malacanang kay Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., bilang acting secretary ng DOT, bilang kapalit ng nagbitiw na si Alberto Lim. Sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang panunumpa, sinabi ni Jimenez, na madaling ibenta ang Pilipinas tulad ng "chicken joy." “This (the Philippines) is the most beautiful country in the world. One of the ten most beautiful countries in the world. There is no reason we won’t succeed (in selling it)," pahayag ng bagong opisyal. Ayon kay Sec Ricky Carandang ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO), isusumite ng Malacanang sa Commission on Appointments ang appointment papers ni Jimenez sa susunod na sesyon ng Kongreso. Beterano sa marketing communication si Jimenez na 35 taon nagtrabaho sa advertising industry. Nagsilbi siya bilang writer, creative director, o opisyal ng mga advertising agency, at nagtatag ng sariling kumpanya na JimenezBasic. Bago ang kanyang pagkakahirang sa DOT, si Jimenez ay Senior Consultant at Joint Chief Executive Officer sa WOO Consultants, na nagseserbisyo sa mga malalaking korporasyon. Nagturo din si Jimenez sa ilang unibersidad at maging sa mga malalaking korporasyon katulad ng San Miguel Corporation at Jollibee Group. Sinabi ni Jimenez na maibebenta niya ang Pilipinas sa pamamagitan ng simpleng pamamaraan. “Campaigns are hinged on simplicity of proposition, it is not all infrastructure but more about single mindedness of image," pahayag niya. Ginawa niyang halimbawa ang Mexico, ang lugar sa US na pinakapinupuntahan ng mga tao, na nakilala sa simbulo ng kultura nito na taco o ponchos. “The image of Mexico is very clear. You can see tacos, white brimmed hats, ponchos," paliwanag niya. Maaari umanong gamitin sa Pilipinas ang ganitong paraan para maibenta ang turismo ng bansa. Tiwala naman si Jimenez na mahihikayat niya ang lahat na ang turismo ay negosyo ng lahat. “Ang turismo ay negosyo ng taumbayan. As such, our ultimate goal is not merely to improve statistics on tourist arrivals but our target is to generate fulfilling income and employment for people," pahayag niya. Sa ngayon, wala raw balak si Jimenez na balasahin ang DOT. “Reshuffle? No I’m not there yet. Like I said I’ve been on the job technically for a few minutes," aniya. “My message to the staff which I can share with you now very simply is ang turismo ay negosyo ng taumbayan, so if you believe that as I do, help me achieve it." Nakahanda rin umano ang bagong pinuno ng DOT na makipagtulungan sa miyembro ng Tourism board na nakabanggan din ng pinalitan niyang si Lim. “Dealing with people means you deal with them, you deal with them as friends and that is how I intend to approach them. I’m not going in thinking that there are problems, I can’t afford to (deal with). So we will reach out to as many people as we can," ayon kay Jimenez. – GMA News