Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Glaiza de Castro defends Marian Rivera against detractors


Ibinalita ni Glaiza de Castro sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hanggang ngayong October na lang ang taping nila ng epicserye ng GMA-7 na Amaya. Pero aabot pa raw ang airing nito sa December. Sa exclusive interview ng PEP kay Glaiza sa launching ng Artiste Connect Panoramanila at Shot Magazine last Sunday, August 28, sa White House Resto Bar, nakangiti man pero bakas pa rin sa mukha ni Glaiza ang panghihinayang na magtatapos na ang taping nila ng Amaya. "Nag-start sila no'ng June pa. Pero ako, yung taping ko paunti-unti lang. "Ngayon lang nagkakaano ulit yung mga eksena ko. Kasi by chapters yun. Nasa more than 10 na 'ata," paliwanag ng aktres. Wala pa raw siyang alam na bagong show na ibibigay sa kanya ng GMA-7 pagkatapos ng Amaya. Pero may pelikula naman siyang ire-release ngayong buwang ito. "Magkakaroon ng theatrical release ang Rakenrol by September 21," banggit ni Glaiza. ACTING PROWESS. Bagamat masasabing supporting role lamang ang ginagampanan ni Glaiza sa Amaya, marami ang nakakapuna sa husay niyang umarte kahit sa isang simpleng eksena. Pero nilinaw naman niya na hindi niya intensiyon niyang galingan ang acting niya para lumutang siya sa serye. "Hindi intensiyon yun, di ba? Dahil ayaw mo namang masabihan ka na nananapaw o nang-aagaw ng eksena. "From the start naman po, ayaw ko naman sa gano'n, e, kumbaga, kumpitensiya? "Kumbaga, ini-enjoy ko lang kung ano yung ibinibigay sa akin. Lalo na yung scenes na nasa script, ginagawa ko lang nang maayos. "Wala rin sa malalaking part, e. Doon lang sa kung anong ibinibigay sa iyo, pag-igihan mo, gano'n lang," pahayag niya. MARIAN RIVERA. Hindi rin daw nagkaroon ng tensiyon sa kanila ng bida ng Amaya na si Marian Rivera ang paglutang niya minsan sa kanilang mga eksena. "Wala. Kasi nakakatuwa nga dahil... Alam mo pag artista ka, alam mo na kaagad kung meron na kayong koneksiyon, e, bilang magkapatid [sa serye]. "Siya [Marian], mapagbigay sa eksena. Hindi niya pina-feel na, 'O, Marian ako." Ipinagtanggol din ni Glaiza si Marian sa mga nagsasabing "maldita" at mahirap itong katrabaho. "Siguro totoo lang talaga siyang tao," sabi ni Glaiza. "E, lahat naman tayo may mga moods. Kumbaga, kung may mga times na nakikita nating bad mood yung isang artista, hindi naman ibig sabihin no'n, yun na ang makakapag-define kung sino talaga siya as a person. "Pero when you talk to her and makasama ko siya nang medyo matagal, makikita mo na, 'A, gano'n pala siyang talaga.'" Natutuwa rin si Glaiza kay Marian dahil binibigyan daw siya nito ng tips tungkol sa love life. "Ang tingin ko sa kanya ay ate. Hindi lang doon sa Amaya kundi parang sa totoong buhay. "Kasi mas marami siyang experience, mas marami siyang pinagdaanan. Kumbaga, sini-share lang niya sa akin. "Sabi niya, easy-easy," kuwento ng young actress Pagluluto at pasensiya ang ilan sa mga tips na ibinihagi sa kanya ni Marian pagdating sa pagha-handle ng lovelife. "A, pasensiya? Lahat naman tayo, meron no'n. Pero depende na lang sa kung hanggang saan. Tayo na lang makakapagsabi nun kung hanggang saan?" Natatandaan naming binigyan siya ni Regine Velasquez ng Louis Vuitton bag nang magsama sila nito sa serye rin ng GMA-7 Diva. Si Marian ba ay may naibigay na sa kanya? "Siguro kung materyal, wala. Hindi naman siguro kailangan," sabi ni Glaiza. "And thankful na lang ako sa mga nakakatrabaho, wala kang masasabing kahit na anong negative. Hindi sila mabigat katrabaho." THE BAG. Kuwento pa ni Glaiza, "Isa lang siguro sa nakakatawang nangyari sa amin ay nung pinakuha niya [Marian] ako ng Louis Vuitton! "Sabi niya, 'Kumuha ka na niyan. You deserve it. Pinagtatrabahuhan natin ito, reward mo na 'yan sa sarili mo.' "Seryoso, hindi ako sanay na gumastos ng gano'n, and first time na gumastos ng gano'ng kalaking amount para lang sa isang bag." Pagbabalita sa amin ni Glaiza, P50,000 raw niya nabili ang branded bag. "Matagal ko nang gustong bumili, pero hindi ko inaasahan no'ng araw na yun! So, parang..." Hindi itinanggi ni Glaiza na bukod sa napasubo na siya sa pagbili ng naturang bag, nahiya rin siyang hindi pagbigyan si Marian. "Honestly, medyo nahiya rin ako. Pero in a way, napaisip na rin ako, 'Oo nga naman. Tutal, matagal ko na ring gusto. At least nandiyan.' "Saka mamu-motivate ka ring magtrabaho bilang ang laki ng kinuha mo sa pera. "So, sa tuwing titingnan ko siya [bag], 'Ay, kailangan ko nang magtrabaho!'" pahayag niya. Never daw inisip ni Glaiza na kaya siya pinapipili ni Marian ay dahil gusto siyang bilhan nito. "Naku, you deserve that, 'no! Kung ano yung pinagtrabahuhan mo at pinaghiraan mo, i-enjoy ko lang. "Kung puro ka trabaho-trabaho, ikaw rin ang mauubos," saad niya. -- Rey Pumaloy, PEP