Filtered By: Topstories
News

Para sa mga guro: ‘Thank You’ campaign inilunsad ng DepEd


MANILA – Kasabay ng selebrasyon ng World Teachers' Day ngayong Setyembre, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang kampanya na maghihikayat sa mga mag-aaral na pasalamatan ang kanilang mga guro. “I think we should regularly take time to revitalize the image of teachers and draw public attention to their value in society," ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro sa isang pahayag. Ipagdiriwang ang World Teachers' Day sa Lunes, Setyembre 5. Hinikayat ni Luistro ang mga mag-aaral na sulatan, magbigay ng greeting cards, magbigay ng regalo o maglagay ng pagbati para sa kanilang mga guro sa mga social networking sites. “We have many creative ways and various media platforms to be used to express our gratitude to our teachers," mungkahi ng kalihim. Sinabi ni Luistro na marapat din na ialay ang buong buwan ng Setyembre sa mga guro bilang pagkilala sa malaking kontribusyon nila sa paghubog ng mga kabataan para sa maganda nilang kinabukasan. Sa buwang ito ay magsasagawa ng mga aktibidad at mga programa ang lahat ng public at private elementary at secondary schools, division at regional offices upang suportahan ang Teachers’ Month at World Teachers’ Day. Nanawagan din ang DepEd sa mga television at radio anchor, host at artist na sa kanilang mga programa ay ipaabot ang kanilang pasasalamat sa kanilang mga naging guro. - GMA News