Filtered By: Topstories
News

Villar iiwan na raw ang pulitika


MANILA – Inihayag ni Sen. Manny Villar nitong Sabado ang kanyang plano na iwan na ang pulitika, isang taon makaraan mabigo siyang makamit ang pinakamataas na posisyon sa bansa noong 2010 presidential elections. Sa harap ng mahigit 600 residente ng Balut, Tundo, Manila, sinabi ni Villar na wala na siyang balak na tumakbong muli sa anumang posisyon sa gobyerno sa darating na halalan. “Wala na po akong balak na tumakbo pang muli, tama na po ang minsan akong nangarap subalit hindi pinalad dahil ayaw nila sigurong maglingkod at manalo ang tulad kong isang mahirap," pahayag ng senador na isinilang at lumaki sa Tundo. Sa kainitan ng kampanya noong 2010 presidential elections, inakusahan si Villar na hindi tunay na nanggaling sa mahirap na pamilya. Naging bahagi ng kampanya ni Villar ang ipakilala ang sarili na maagang namulat sa kahirapan at lumaki sa pagtitinda ng hipon sa Divisoria para tulungan ang kanyang ina. Magtatapos ang termino ni Villar bilang senador sa 2013. Mula sa pagiging kongresista ng Las Pinas, tumakbo siyang senador at nanalo noong 2001 para sa unang termino na may anim na taong paninilbihan. Muli siyang tumakbo at nanalo sa naturang posisyon para sa kanyang ikalawa at huling termino bilang senador noong 2007 na tatagal hanggang 2013. Kahit wala na sa pulitika, sinabi ni Villar na itutuloy niya ang pagtulong sa mga nangangailangan lalo na sa tatlong lugar na malapit sa kanyang puso – ang Tundo kung saan siya isinilang at lumaki; ang Ilo-ilo na lalawigan ng kanyang ina; at ang Bataan na lalawigan ng kanyang ama. Nagsagawa ang senador ng medical mission at feeding program sa Timoteo Paez Integrated School Covered Court sa Balut, Tundo nitong Sabado sa ilalim ng kanyang Villar Foundation. Sinamahan si Villar nina Manila vice mayor Isko Moreno at punong-guro ng paaralan na si Gene Pangilinan. Sinabi ni Moreno na tanging si Villar lamang ang senador na madalas bumisita at magkaloob ng tulong sa mamamayan ng Tundo. Pinasalamatan din ni Pangilinan ang senador ang mabilis na pagtugon sa kanilang kahilingan na maglaan ng pondo mula sa priority development assistance fund para maitayo ang paaralan. -- GMA News