Filtered By: Topstories
News

Matapos mahuli ang ‘giant’ croc: Paghahanap sa iba pang buwaya sa Agusan Sur, patuloy


Ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ng Bunawan sa Agusan del Sur ang paghahanap sa mga buwaya sa latian sa kanilang lugar matapos mahuli kamakailan ang isang saltwater crocodile na may habang 21 talampakan. Hinihinala ni Bunawan Mayor Edwin Cox Elorde na marami pang buwaya ang maaaring naninirahan sa Agusan marsh. "May project na kaming gagawin. Partial lang para ma-determine namin ang protected wildlife sa aming area," pahayag ng alkalde sa panayam ng GMA News’ “Unang Balita," nitong Martes. Nitong Lunes, inihayag ng mga opisyal ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center ang pagkakahuli sa 600-pound, 21-ft (6.4-meter) crocodile. Pinapaniwalaan na ito ang pinakamalaking buwaya na nahuli sa Pilipinas at buong mundo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang buwaya ay inilagay sa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources sa Agusan del Sur. Sinabi ni Ronald Nuer, project director ng Bunawan Municipal Council, 21 gabi ang ginawa nilang pagmanman sa buwaya. Ayon kay Mayor Elorde, sa tagal at tindi ng pag-aabang sa buwaya, nag-stoke ang isa sa pinaka-beteranong crocodile hunter mula sa Palawan Crocodile Farm na si Lolong Cañete. "Na-damage si Manong Lolong sa operation namin dito. Na-stroke siya na high blood. Almost three weeks kasi siya bago nakuha (ang buwaya)," kwento ni Elorde sa hiwalay na panayam ng GMA News TV's 'News To Go.' Na-stroke umano si Lolong sa ikalawang linggo ng pag-aabang sa buwaya. Noong 2010, isang batang babae ang nawala sa Agusan Marsh na pinapaniwalaang kinain ng buwaya. Hindi pa tiyak kung ang higanteng buwaya na nahuli ang umatake sa bata. Sa tala ng Guinness Book of World Records, ang pinakamalaking buwaya na nahuli ay may sukat na 5.5 meters na nagmula sa Australia. — GMA News