Filtered By: Showbiz
Showbiz

PNoy on presence of ex-gf Shalani in Bais: 'Malay ko'


“Malay ko kung ano ang gagawin niya dito." Ito ang tugon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, nang tanungin ng media tungkol sa pagkakataon na nagkasabay ang pagbisita nila ng kanyang ex-girlfriend na si Valenzuela Councilor Shalani Soledad sa Bais, Negros Occidental nitong Miyerkules. Sinabi ni Aquino sa media na nagtungo siya sa lalawigan para sa inagurasyon ng pamilihang-bayan sa Bais at pasalamatan ang mga tao doon na nagbigay ng matinding suporta sa kanya noong nakaraang halalan. “I am here for this market, iyong IT Park at pasalamat doon sa mga volunteers namin noong kampanya. Dito sa Negros Oriental, specifically sa Dumaguete, parang pananaw naming iyong talagang nadama na naming iyong katiyakan noong victory," paliwanag ng binatang pangulo. Naging aktibo si Shalani sa kampanya ni PNoy para sa halalan noong nakaraang taon. Sa kanyang talumpati sa Bais, pinuri at ilang ulit na tinawag ni Aquino na guwapa (maganda) ang 29-anyos na alkalde ng Bais na si Karen Villanueva. Samantala, sinasabing nasa lalawigan naman si Shalani para dumalo sa kapistahan ng isang bayan doon. Napabalitang si Pasig Rep Roman Romulo ang masugid na nanliligaw at nakaka-date ngayon ni Shalani. (Read: PNoy’s ex-gf Shalani Soledad is reportedly dating a congressman) Kamakailan ay ikinumpara naman ni Aquino sa isang soft drink ang kanyang love life. "May nagtanong ho kasi sa akin, sabi niya, 'kamusta love life mo?' Eh ang sabi ko po sa kanya, parang Coca Cola," he said. "Noong araw, 'regular.' Naging 'light.' Ngayon, 'zero,'" pahayag niya. Sa ngayon ay nauugnay si Aquino sa Kapuso star na si Iza Calzado matapos silang magkakilala sa birthday party ni Ogie Alcasid. Pero nilinaw ni Iza na hindi siya nililigawan at hindi sila nagda-date ng pangulo. - GMA News