Filtered By: Topstories
News

PNoy nais makipag-usap sa transport groups


MANILA – Nais umano si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na makausap ang mga lider ng iba’t ibang transport groups upang pakinggan ang kanilang saloobin tungkol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Sa press briefing sa Malacanang nitong Biyernes, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na wala pang takdang araw kung kailan gagawin ang pagpupulong. Ngunit posible umano itong mangyari bago umalis patungong Amerika si Aquino sa huling linggo ng Setyembre. “Gusto pong makipag-diyalogo ng Pangulong Aquino dun sa mga leaders ng transport groups para po mapag-usapan po yung kanilang mga concerns at kung ano po yung puwede nating magawa para po ma-address itong mga concerns na ito," ayon kay Valte. Ang Department of Energy ang magiging lead coordinator para sa gagawing pagpupulong.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinabi ni Valte, na kabilang sa maaaring mapag-usapan ay ang provisional fare hike na hinihingi ng transport groups. Tiyak na maapektuhan daw ang mga pasahero kapag nagpatupad ng dagdag na singil sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan. “Nakikita po natin na tuloy po yung pagtaas at gusto po natin makita kung ano yung puwede nating gawin. Baka po sabihin ng iba bakit ‘di po yung riding public (ang kinausap), katulad po ng ginawa natin sa Pantawid Pasada program, aabatan po yung pagtaaas ng presyo which affects the riding public," paliwanag niya. Nitong Mayo, nakatanggap ang mga jeepney driver sa buong bansa ng Pantawid Pasada cards na naglalaman ng tig-P1,050 bilang subsidiya sa nakokonsumo nilang gasolina. Sa ngayon, wala pa umanong abiso ang DOE kung dapat ituloy ang Pantawid Pasada program, ayon kay Valte. “As of the moment, we have no advice kung magkakaroon po ng second tranche of Pantawid Pasada depende sa pag-uusapan nila kapag nagpulong na po ang Pangulo kasama po yung (mga) lider ng transport groups," pahayag ng opisyal. Pinapaniwalaan niya na naging matagumpay ang programa dahil napigilan nito ang transport groups na humingi ng dagdag na singil sa pamasahe. Una rito, nagbabala ang mga transport groups na maglulunsad ng nationwide strike dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Magsasagawa naman ng motorcade ang isang transport group sa susunod na linggo. -- GMA News