Filtered By: Showbiz
Showbiz

GMA 7’s Philippine Treasures, inirekomenda ng DepEd


Dahil sa mataas na interes ng mga manonood tungkol sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas na ipinakita nila sa mainit na pagsuporta sa epicseryeng Amaya, gumawa ng dokumentaryo ang GMA 7 Network na magpapakita naman sa angking yaman ng bansa, ang Philippine Treasures. Sa pangunguna ni Ms. Mel Tiangco, kasama ang mga GMA reporter na sina Cesar Apolinario, Tina Panganiban-Perez, John Consulta at Mariz Umali, sasabak sila sa natatanging treasure hunting sa iba't ibang panig ng Pilipinas at maging sa ibang bansa para tuklasin kung gaano kayaman ang kulturang Pilipino. Kabilang sa tatalakayin sa Philippine Treasure na mapapanod sa Linggo, ganap na 10:30 p.m., ay ang nahukay na hikay sa Boljoon, Cebu, na pinapaniwalaang ginamit noon ni Lapu-Lapu. Masisilayan din ang tinatawag na “Golden Tara" o gintong rebulto ng Hindu-Malayan Goddess na si Tara nanatagpuan sa Agusan noong 1917. Ang naturang rebulto ay nasa pangangalaga na ngayon ng Field Museum sa Chicago sa Amerika.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Alamin din kung bakit paboritong bilhin ng mga kolektor ang “Maitum Jars" o mga banga noong unang panahon na may korte at mukha ng tao na nadiskubre sa isang kweba sa Sarangani noong 1991. Higit naman sa ginto kung ituring ng mga taga-Monreal, Masbate ang dalawang tipak ng bato na sinasabing may nakaukit na mga baybayin, o mga sinaunang paraan ng pagsusulat ng ating mga ninuno. Dahil sa kahalagahan ng paksang tatalakayin sa dokumentaryo tungkol sa kayamanan at kultura ng mga Pilipino, nagpalabas ng kautusan ang Department of Education (DepED Order No. 39), upang abisuhan ang lahat ng opisyal at tauhan ng ahensiya tungkol sa ipalalabas na Philippine Treasure ng GMA 7. “The GMA News and Public Affairs Department announces the showing of a special feature on the country’s historical artifacts – Philippine Treasures hosted by Ms. Mel Tiangco. This is set to air on September 11, 2011, Sunday, at 10:30 p.m. This production aspires to rekindle the Filipinos’ interest on the Philippines’ rich culture and colorful history," nakasaad sa kautusan na may petsang Sept. 8. Sa pamamagitan ng dokumentaryo, inaasahang lalong mamumulat ang isipan ng mga manonood kung gaano kayaman ang kultura ng lahing Pilipino na dapat nating protektahan. - FRJimenez, GMA News