Filtered By: Topstories
News

Recto: Subsidiya sa MRT, LRT, ‘di galing sa probinsiya


MANILA – Kinontra ni Sen. Ralph Recto ang katwiran ng pamahalaang Aquino na buong bansa ang nag-aambag sa subsidiya sa pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), gayung ang mga residente lamang sa Metro Manila ang nakikinabang. Sa pahayag nitong Biyernes, iginiit ni Recto, chairman ng Senate ways and means committee, na hindi tamang sabihin ni Sec Mar Roxas ng Department of Transpiration and Communication, na bahagi ng ginagastos sa subsidiya sa MRT at LRT ay nanggaling sa buwis sa mga lalawigan. “No one in the province like in Batanes, Batangas or in Capiz, Tarlac and even in Tawi-Tawi is subsidizing a rider in Metro Manila," anang senador. “People in the provinces are not actually complaining nor up in arms over their supposed subsidy of MRT-LRT riders in Metro Manila, because it’s not true." Sa isang pagtitipon sa Bais, City, Negros Oriental, nitong Miyerkules, idinepensa ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang plano ng DOTC na itaas ang singil sa pamasahe sa LRT at MRT. Tinatayang P2 bilyon ang mababawasan sa inilalaang subsidiya ng pamahalaan sa pamasahe ng mga pasahero sa MRT at LRT na umaabot ngayon sa P7.2 bilyon. “Iyong subsidy ngayon na mababawas doon, puwedeng magamit sa iba pang proyekto na mass transport sa iba pang lugar," ayon sa pangulo. “Magkano ba ang cost per passenger? Something like P60. Magkano ang tsina-charge? P15. Syempre may nagbubuno noong P45. Iyong nagbubuno ng P45, hindi lang NCR (National Capital Region). NCR lang ang nakikinabang doon sa LRT, MRT." Maging ang mga mamamayan sa mga highly urbanized regions gaya ng Cebu at Davao ay nananawagan din umano sa pamahalaan na tugunan ang usapin nila tungkol sa mass transportation. Pero paliwanag ni Recto, malaking bahagi ng kita ng gobyerno ay nanggagaling sa Metro Manila, partikular sa mga lungsod ng Quezon, Makati at Caloocan. Sa P337 bilyon na nakolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue mula sa 19 rehiyon, P281.8 bilyon nito ay nanggaling sa tatlong nabanggit na lungsod. Sisiw umano ang P56.2 bilyon na nakubra ng BIR sa buwis na nagmula sa Bicol hanggang Tawi-Tawi, kung ikukumpara sa P75.8 bilyon na buwis na galing sa Quezon City pa lamang. Dagdag pa ni Recto, kung tutuusin ay galing sa Metro Manila ang pondong gagastusin ng pamahalaan sa P39.4 bilyong Conditional Cash Transfer o CCT program na ipamimigay sa mahihirap na pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa – na karamihan ay nasa lalawigan. Sa kabila ng malaking buwis na kinukuha sa Metro Manila, sinabi ni Recto na patuloy ang ginagawang pagpiga ng pamahalaan upang kunan ng kita ang mga nasa middle class, tulad ng mga manggagawa at estudyante. Bagaman hindi umano siya tutol na itaas ang singil sa pamasahe, sinabi ni Recto na kailangan munang paghusayin ang serbisyo sa mga mass transport system na madalas ireklamo ng mga pasahero. “Caving in to a fare increase now would be tantamount to rewarding inefficiency," pahayag ni Recto. – GMA News