Filtered By: Topstories
News

Pagtatalaga ni PNoy ng OICs sa ARMM, pinigil ng SC


MANILA – Sa botong 8-4, pinigil ng Korte Suprema nitong Martes ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10153, o ang batas na nag-urong sa halalan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa May 2013. Sa ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng SC, pinigilan din ng mga mahistrado si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na magtalaga ng mga officer-in-charge sa rehiyon na dapat sanang ipatupad sa katapusan ng Setyembre. Ang mga mahistrado na bumoto na magpalabas ng TRO ay sina Chief Justice Renato Corona, Justices Presbitero Velasco Jr., Arturo Brion, Teresita Leonardo-de Castro, Roberto Abad, Jose Perez, Jose Mendoza, at Martin Villarama. Samantala, ang mga tumutol naman ay sina Justices Antonio Carpio, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin at Maria Lourdes Sereno. Ayon kay court administrator at spokesman Midas Marquez, hindi nakaboto si Justice Mariano del Castillo dahil naka-leave. Sa kabila ng TRO, sinabi ni Marquez na maaari namang ipagpatuloy ng pamahalaan ang pagsala sa mga aspiranteng OIC sa 26 na posisyon sa ARMM na kinabibilangan ng isang gobernador, isang bise gobernador at mga miyembro ng Regional Legislative Assembly. Ang TRO ay bunga ng ginawang pagtalakay ng SC sa mga petisyon na inihain kontra sa pagpapaliban ng halalan sa ARMM at pagtatalaga ng mga OIC. Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay sina House Minority Leader Rep. Edcel Lagman; ang grupo na kinabibilangan ni Datu Michael Abas Kida; election lawyer Romulo Macalintal at dating Negros Oriental Rep Jacinto Paras. Dahil iniurong at hindi natuloy ang nakatakdang halalan sa ARMM nitong Agosto, nakatakdang magtapos ang termino ng mga kasaluyang nakaupong opisyal sa ARMM. Ayon kay Lagman, kung tuluyang ibasura ng SC ang RA 10153 at hindi payagan ang pamahalaan na magtalaga ng OIC, maaari namang ipagpatuloy ng mga nakaupong opisyal ng ARMM ang kanilang termino sa “hold-over" capacity. Idinagdag ng kongresista na dapat igalang ng pamahalaan ang TRO ng SC at huwag munang magtalaga ng mga OIC. “As the principal petitioner assailing the constitutionality of the cancellation of the ARMM elections,… I laud the Supreme Court for restraining the appointments of OICs pending final adjudication of the petition," ayon kay Lagman. Bago maglabas ng TRO ang SC, sinasala na ng Department of Interior and Local Government ang mga aplikante bilang OICs. Plano sana ni Aquino na ihayag ang mapipili niyang mga OIC bago siya lumipad patungong Amerika sa huling bahagi ng Setyembre. PNoy dismayado sa TRO Sa isang pahayag nitong Martes ng hapon, sinabi ni Aquino na patuloy na nakatutok ang kanyang administrasyon sa pagsulong ng reporma sa ARMM sa kabila ng naging desisyon ng SC. “Simple lang naman po ang isyu: natutuwa ba tayo sa sitwasyon sa ARMM? Natutuwa ba tayo sa report ng COA (Commission on Audit) tungkol sa pagkawala ng 80 porsyento ng pondo na dapat sana ay napunta sa taumbayan? Ganoon po ba kadaling malimot ang 57 tao na wala-awang pinaslang sa Maguindanao?," ayon sa pangulo. Iginiit ni Aquino na hindi maaasahan na magkakaroon ng reporma sa ARMM kung natuloy ang halalan nitong Agosto at kung ang mga mauupo sa puwesto ay mga pulitiko na ang nasa isip lang ay manatili sa kapangyarihan. Sinabi pa ng punong ehekutibo na kailangang putulin ang sistema umano ng pang-aabuso na tila naging bahagi na ng kultura sa ARMM. “Mahihinto lamang ang kalakarang ito kapag nakapagtalaga tayo ng mga OIC na magiging tapat na katuwang natin sa pagbagtas sa tuwid na daan. Sinisiguro naming sa loob ng 21 buwan na panunungkulan ng mga OIC, magkakaroon ng radikal na pagbabago na magbibigay ng tunay na serbisyo sa mga mamamayan ng ARMM," deklara ni Aquino. Dagdag pa niya, “Habang hinihintay natin ang pag-usad ng kaso sa Korte Suprema, gaya ng dati, nakatutok pa rin ang inyong pamahalaan para magdulot ng pagbabago sa ARMM at ang pagbabalik sa mga mamamayan nito ng tunay na kapangyarihan." - GMA News
LOADING CONTENT