Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mike Tan gagawin ang lahat para sa Kung Aagawin Mo Ang Langit


Halos present ang lahat ng cast members sa press conference na ipinatawag nitong Martes ng gabi para sa inaabangang bagong Dramarama sa Hapon ng Kapuso station na, Kung Aagawin Mo Ang Langit.

Dumating sa presscon na ginawa sa GMA Network building sina Carla Abellana, Michelle Madrigal, Mike Tan, Ricky Davao, Shamaine Buencamino, Ces Quisada, Will Devaughn, Jan Marini, Kevin Santos, Steph Henares, RJ Salvador, at ang direktor ng series na si Jay Altarejos. Ayon kay Mike, masaya siya at labis ang pasasalamat sa GMA management sa kanyang bagong project kung saan siya ang leading man nina Carla at Michelle. Handa raw niyang gawin ang lahat (kahit pa magpa-sexy) para sa kanyang role kunsaan pag-aagawan siya nina Carla at Michelle na gaganap na magkaibigan pero magkaribal sa afternoon series. Gagampanan nina Mike at Carla ang papel ng mag-asawa sa Kung Aagawin Mo Ang Langit, kaya naman asahan na rin ang ilang love scenes. Pero pagtiyak ni Direk Jay, pang-TV lang ang mga love scene na kanyang ipagagawa sa series. Ito ay bunga na rin ng mainit na eksenang ginawa ni Carla sa kanyang movie na My Neighbor’s Wife. Paliwanag naman ni Carla, magkaiba ang magiging kissing scene sa Kung Aagawin... dahil mag-asawa ang papel nila ni Mike kumpara sa My Neighbor’s Wife, kunsaan kabit ang kanyang naging role. Aminado naman si Michelle na kabado siya sa kukunang love scene nila ni Mike pero kampante siyang hindi siya pababayaan ni Direk Jay. Bago simulan ang proyekto, sinabi ng mga aktor na sumailalim sila sa workshops kaya naihanda na nila ang kanilang sarili sa kani-kanilang role na gagampanan. Ang Kung Aagawin Mo Ang Langit ay kuwento ng pagmamahalan, pagkakaibigan, at panibugho. Ang pagmamahalan nina Carla at Mike bilang mag-asawa ay hindi magbubunga ng anak. Dito na iaalok ng kaibigan ni Carla na si Michelle ang sarili para maging surrogate mother ng kanilang magiging anak. Lingid sa kaalaman ni Carla, may itinatagong inggit sa kanya si Michelle at lihim na pagtingin kay Mike. Lalong iigting ang istorya ng Kung Aagawin Mo Ang Langit sa sandaling maaksidente si Carla at ma-comatose. Mapapanood ang Kung Aagawin Mo Ang Langit simula sa September 19, sa Dramarama sa Hapon, pagkatapos ng Sinner or Saint. – FRJimenez, GMA News