Filtered By: Topstories
News

Kahit nagdeklara na si Binay: Mar Roxas tahimik muna sa 2016 presidential polls


MANILA – Taliwas kay Vice President Jejomar Binay na nagdeklarang tatakbong pangulo sa 2016 elections, tahimik naman si Transportation and Communications Secretary Manuel “Mar" Roxas II, sa kanyang plano kung muling aambisyunin ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. “Congratulations at good luck sa kanya," pahayag ni Roxas nang hingan ng reaksiyon ng media nitong Miyerkules. Nagtungo ang kalihim sa Kamara de Representantes para idepensa ang hinihinging budget ng DOTC para sa 2012. Tumanggi na si Roxas na magbigay ng mahabang komento tungkol sa pag-amin ni Binay na pinangarap niyang maging pangulo mula nang pumasok sa pulitika. "Nandito ako para isulong ang programa sa ligtas, abot kaya at reliable na transportasyon sa ating mga kababayan… Trains, boats and planes ang konsentrasyon ko sa ngayon," ayon kay Roxas. Si Roxas ang unang napili ng Liberal Party na isabak sa panguluhang halalan noong 2010. Ngunit dahil hindi umaangat sa mga survey, nagbigay-daan ito kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino, na biglang umangat ang popularidad nang pumanaw ang ina na si dating pangulong Cory Aquino. Bagaman naging magkatambal sa ilalim ng LP sina Aquino at Roxas sa 2010 presidential elections, sinasabing may grupo sa kampo ni Aquino ang nagsulong din sa tambalang “Noy-Bi" o Aquino-Binay. Wala namang nakikitang masama ang ilang miyembro ng oposisyon sa maagang pagdeklara ni Binay sa plano nito sa 2016. “I don’t see anything unethical or immoral in making your intentions clear. May age factor din kasi ang pagtakbo bilang presidente, and he [Binay] will be overaged for the position if he will do it in 2022," pahayag ni Deputy Minority Leader Danilo Suarez. Pinayuhan naman ni House Minority Leader Edcel Lagman si Binay na maghanda sa mga “peligro" dahil sa maaga nitong paghahayag ng kanyang plano sa pulitika. “All his activities will now be watched by his political opponents. That’s the risk you take by expressing your intention early on," ayon kay Lagman. — GMA News