Filtered By: Topstories
News

Utos ni PNoy sa bagong pinuno ng Customs: ‘Walang sasantuhin’


MANILA – Inihayag ng bagong talagang pinuno ng Bureau of Customs (BOC) na si Commissioner Ruffy Biazon, na malinaw ang ibinigay na direktiba sa kanya ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na walang sasantuhin sa pagpapatupad ng batas. “Ang ibig sabihin noon, seryoso ang Pangulo doon sa laban sa katiwalian sa loob ng Bureau of Customs (BOC)," pahayag ni Biazon sa media matapos manumpa sa Malacanang nitong Biyernes. Sinabi ni Biazon na pangunahin sa kanyang agenda ay iparamdam sa BOC ang tuwid na direksyon na nais ipatupad ng kasalukuyang pamahalaan. “Pagkatapos, isusunod ang review ng buong performance ng mga naririyan sa Bureau," pahayag ng bagong pinuno ng BOC. Nais umano niyang malaman kung sino ang dapat manatili sa puwesto, ang dapat na ilipat, at dapat na gantimpalaan. Pag-aaralan din umano niya ang sistema sa ahensiya para malaman ang mga proseso na kailangang ayusin. Sinabi ni Biazon, anak ni dating senador at ngayo’y Muntinlupa Rep Rodolfo Biazon, na handa siyang labanan ang mga smuggler at tiwali sa ahensiya. “Dito sa bagay na ito, sa tingin ko, kaya ko namang sabihin na matibay ang ating paninindigan na hindi tayo padadala sa mga lalapit sa atin para gawing baluktot iyong daang matuwid," aniya. Gagamit din umano ng feedback mechanism ang nakababatang Biazon para lalong maging transparent at accountable ang ahensiya. Para matutukan ang bagong trabaho sa BOC, sinabi ni Biazon na isinangtabi na muna niya ang kanyang planong pulitikal tulad ng pagtakbo sa 2013 o 2016 elections. “Ang focus natin ngayon iyong mandate na ibinigay sa atin. Kung inambisyon ko na tumakbo sa ibang pwesto, lahat ng decisions ko ngayon will be affected by that ambition," paliwanag ni Biazon, tumakbong senador pero natalo noong 2010 elections. Idinagdag niya na may mga impormasyon na siyang nakalap tungkol sa ilang personalidad na hinihinalang smuggler o kwestiyunable ang katauhan. Isasalang umano niya sa beripikasyon ang nakuha niyang impormasyon. “Maraming list na ibinigay sa akin at iba’t ibang sources. I treat those as just preliminary information but I have to rely on an official output coming from my own agency," ayon kay Biazon. Mahigpit umano siyang makikipag-ugnayan sa bagong Customs deputy commissioner for intelligence na si Danilo Lim para malutas ang problema ng katiwalian sa ahensiya. – GMA News