Filtered By: Topstories
News

Mga guro sa public schools ‘di gumamit ng chalk sa pagtuturo bilang protesta


MANILA – Nagdaos ng “National Chalk Holiday" ang mga guro sa mga pampublikong paaralan nitong Biyernes bilang protesta sa maliit na pondong inilalaan ng pamahalaan para sa pagtuturo gaya ng pambili ng chalk. Sa GMA News TV’s Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga lumahok sa protesta ay mga guro sa Cebu. Hindi na umano sapat ang P700 chalk allowance -- o isang chalk sa loob ng isang araw -- na ibinibigay ng pamahalaan sa bawat guro na gagastusin nila sa loob ng isang taon. Ayon kay Bernabe Sabejon, miyembro ng Alliance of Concern Teachers (ACT) sa Cebu, hindi sapat ang naturang pondo lalo na sa mga guro na maraming hinahawakang klase. Sa isang pahayag naman, iginiit ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, na hindi rin sapat ang idadagdag na P300 para sa “chalk allowance" na iminumungkahi ng Department of Education.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Para kay Tinio, hindi dapat bumaba sa P2,000 ang allowance na dapat ibigay sa mga guro na pambili ng chalk. “The national government must put an end to our public school teachers’ long-standing burden of [buying] teaching supplies out of their own pockets," ayon sa kongresista. Nangako si Tinio na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong sa Kongreso na madagdagan ang chalk allowance sa harap ng ginagawang paghimay ng kapulungan sa P1.816-trilyong hinihinging budget ng pamahalaan sa 2012. Bagamat hindi gumamit ng chalk, naghanap ng ibang paraan ang mga guro sa pagtuturo nitong Biyernes sa kanilang mga estudyante. Sinuportahan naman ni Kabataan party-list Rep. Raymond Palatino, ang panukala ni Tinio na gawing P2,000 ang “chalk allowance" ng mga guro dahil makatutulong ito sa mga guro para mapahusay ang kanilang pagsisilbi. “How can our teachers properly hone our students to become intelligent and responsible members of our society if something as basic as a chalk fund is not sufficiently provided by the government?" ayon kay Palatino sa hiwalay na pahayag. “Kawawa na nga ang ating mga guro dahil sa kakarampot na sahod, sila pa ngayon ang inaasahan na punan ang kakulangan sa chalk at iba pang pangangailangan sa pagtuturo," dagdag niya. — GMA News