Filtered By: Showbiz
Showbiz

Shalani Soledad, patigilin kaya ni Rep Romulo sa pulitika?


Matapos mapabalita ang engagement at planong pagpapakasal early next year, pagbawalan kaya ni Pasig Rep. Roman Romulo ang kanyang fiancée na si Valenzuela Councilor Shalani Solidad na ipagpatuloy ang karera nito sa pulitika? Ayon sa ulat ni GMA News reporter Sherrie Ann Torres para sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing natutuwa ang partidos ni Shalani sa kongresista dahil sa ipinakita nitong paggalang – hindi lang sa konsehala – kundi maging sa pamilya nito. Katunayan, bago nga raw niligawan ni Romulo si Shalani, inuna muna nitong suyuin ang pamilya ng 31-anyos na konsehala, na ex-girlfriend ni Pangulong Benigno Aquino III. Nang makapanayam ng GMA News ang dalawa nitong Biyernes, halata ang ginagawang pagkubli ni Shalani sa camera sa sinasabing engagement ring na ibinigay ni Romulo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang naturang singsing ay wedding ring ng ina ni Romulo nang ikasal sa kanyang ama na si dating Foreign Affairs Sec Alberto Romulo. Sa hiwalay na panayam ng GMA News sa ina ni Shalani na si Gng Evelyn sa telepono, sinabi ng huli na nakita nila sa kongresista ang pagrespeto sa kanilang pamilya at sensiridad sa kanyang anak na konsehala. At tulad ni Shalani na tahimik at matipid magsalita, ganito rin si Rep Romulo nang makausap ng GMA News. Pagbawalan na kaya niya ang konsehala na ipagpatuloy ang karera sa pulitika kapag nakasal na sila? “Nagkagusto ako bilang isang public servant siya so hindi naman dapat magbago anuman ang plano niya dahil I met her who she was already. Kung ano ang gusto niyang gawin wala nama akong tutol," ayon kay Rep Romulo. Hindi naman ikinaila ng kongresista na may inaayos na sila ni Shalani. Nagpapasalamat din sila sa atensiyon na nakukuha sa publiko pero humihingi siya ng pang-unawa na hindi muna nila maibabahagi ang detalye nito sa ngayon. -- FRJimenez, GMA News