Filtered By: Topstories
News

Prangkisa para sa mga e-jeepney, inaasahang mailalabas na ngayong Setyembre


MALOLOS City – Umaasa ang isang opisyal ng Institute for Climate and Sustainable City (ICSC) na matutuloy na ngayong Setyembre ang pagpapalabas ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng prangkisa para sa mga electric jeepney o e-jeepney. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, sinabi Red Constantino, executive director ng ICSC, na ang e-jeepney ang makatutulong sa mga tsuper at operator na magkaroon ng mas malaking kita. “This will prove to many jeepney operators that e-jeepney is the answer, mas malaki ang kikitain nila if they will switch to it from their diesel powered jeepneys that pollutes the environment," ayon sa opisyal ng ICSC. Bukod sa makatutulong sa kabuhayan ng mga tsuper, sinabi ni Constantino na malaking tulong din ang mga e-jeepney sa pangangalaga ng kalikasan dahil walang susunuging gasolina ang naturang uri ng sasakyan. Bilang bahagi ng Climate Friendly City na inilunsad ng ICSC noong 2007, ang e-jeepney ay sumailalim sa ilang pagbabago. Kabilang dito ang pagdagdag sa kapasidad na magsakay ng pasahero at mas mabilis na pag-charge sa baterya. Sinabi ni Contantino na ang bagong unit ng e-jeepney ay kayang magsakay ng hanggang 24 na pasahero. Maaari itong tumakbo sa bilis na 40 hanggang 50 kilometro bawat oras. Mula sa dating walong oras na pag-charge sa beterya, ngayon ay maaari ng tumakbo ng hanggang 115 kilometro ang E-jeepney na nai-charge sa loob ng 10 minuto. Dahil sa mas mabilis na pagpapalit ng baterya, sinabi ni Constantino na mas maliit na ang gastusin sa pag-charge ng baterya at mas maraming biyahe ang maaaring gawin. Paliwanag niya, ang ang full charge sa anim hanggang 12 baterya ay nagkakahalaga lamang ng P250 at makakabiyahe ng 115 kilometro, kumpara sa P1,100 halaga ng krudo na magagamit sa katulad na distansiya. Sa kasalukuyan, ang ICSC ay may 25 E-jeepney na bumibiyahe sa sa Makati at Puerto Princesa City. Kapag lumabas ang prangkisa, makikipag-usap na rin ang grupo sa mga Quezon Quizon, Mandaluyong, Pasig at sa Bulacan para makapag-operate ito. - GMA News