Filtered By: Topstories
News

P1.816-T budget sa 2012, lusot sa 2nd reading; P16-B CCT fund, hindi ginalaw ng Kamara


MANILA – Aprubado na sa Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang P1.816-trilyong panukalang budget ng pamahalaan sa 2012. At sa kabila ng kritisismo ng oposisyson, nananatiling buo ang P16 bilyon inilaan ng gobyerno sa conditional cash transfer (CCT) program. Dakong 11:30 p.m. nitong Biyernes nang aprubahan ng mga kongresista ang panukalang budget. Kapalit ng maaagang pagpasa ng budget ay isang linggong bakasyon ng mga kongresista. Bukod sa P16 bilyon na pondo para sa CCT program o pinansiyal na tulong sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino, hindi rin ginalaw ng mga kongresista ang P23.4 bilyong special purpose fund para sa mga bakanteng posisyon sa pamahalaan. Pinasalamatan ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang kanyang mga kasamahan sa pakikiisa sa pagdalo sa sesyon upang maabot nila ang takdang araw na maipasa kaagad ang 2012 budget…“in record time." “We conclude our work confident that the budget we will submit to the Senate is not only realistic, but more importantly, serves our objectives," pahayag ni Belmonte nang maaprubahan ang panukalang 2012 budget. Noong nakaraang linggo, ilang beses ipinagpaliban ang sesyon dahil sa kawalan ng quorum o sapat na bilang ng mga kongresista na dumadalo sa sesyon. Ang Department of Education ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng pondo na aabot sa P238.8 bilyon. Mas mataas ito ng 15.2 porsiyento sa kasalukuyang alokasyon na P207.3 bilyon. Sumunod naman ang Department of National Defense na may pondong P107.9-bilyon; Interior and Local Government (DILG), P101.4-b; Department of Agriculture, P54.1-b; at Social Welfare and Development (DSWD), P49.4-b. Inaprubahan din ng Kamara ang lump sum funds na may kabuuang P150 bilyon na nakalaan sa regional at sub-regional offices. Tiniyak naman ni Belmonte na hindi magagamit sa masamang paraan ang pondong inilaan sa bawat ahensiya ng gobyerno. Samantala, pinasalamatan naman ng Malacañang nitong Sabado ang Kamara sa maagang pagkilos sa 2012 budget at maaari umanong maipasa ng Kongreso ang pondo bago matapos ang taong 2011. Sa panayam ng dzRB radio, sinabi ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na natutuwa ang Malacanang sa mabilis na pagtatrabaho ng mga mambabatas. - GMA News