Filtered By: Topstories
News

2 sangkot sa Pampanga mall shooting, pumanaw na


Pumanaw na ang dalawang minor-de-edad na lalaki na hinihinalang magkasintahan na nasangkot sa insidente ng pamamaril sa loob ng isang mall sa Pampanga nitong Martes. Ayon kay Mexico (Pampanga) Superintendent Wilson Santos, hepe ng pulisya, pumanaw ang 13-anyos na lalaki at pinapaniwalaang nagpaputok ng baril sa ospital dakong 2:50 p.m. nitong Miyerkules. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni Santos na sumailalim sa operasyon ang binatilyo para alisin ang kanyang kidney at cornea upang mai-donate batay na rin sa desisyon ng mga magulang nito.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa late night newscast ng GMA’s Saksi nitong Miyerkules, sinabing pumanaw na rin ang 16-anyos na lalaki na sinasabing kasintahan ng binatilyo. Naunang iniulat na nagdesisyon din ang pamilya ng teenager na alisin ang life support nito. Martes nitong umaga nang matagpuan ang duguang katawan ng dalawa sa loob ng SM mall sa Pampanga at kapwa may tama ng bala sa ulo mula sa cal.22 baril. Hinihinala ng mga awtoridad na binaril muna ng 13-anyos na binatilyo ang kasama, bago naman nito binaril ang sarili. Inihayag ng pulisya na patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon na pinapaniwalaang isang kaso ng “suicide." Kabilang sa sinusuri ng mga imbestigador ay ang kanilang account sa Facebook kung saan sinasabing nagkakilala ang dalawa. Susuriin din ng pulisya ang footages sa CCTV cameras sa loob ng mall. Ipinapalagay ng pulisya na kaso ng hidwaan sa pag-ibig na nauwi sa “suicide" ang naganap na insidente ng pamamaril dahil sa umano’y suicide note na nakuha sa isa sa mga nasawi. Sadyang hindi binanggit ng GMA News Online ang pangalan ng dalawa dahil pareho silang minor-de-edad. - FRJ, GMA News