Filtered By: Topstories
News

Villar: 13 senador na ang pumirma sa reso vs MRT-LRT fare hike


MANILA – Inihayag ni Sen. Manny Villar nitong Huwebes na umabot na sa mayorya ang bilang ng mga senador na pumirma sa resolusyon ng Senado na nananawagan kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na huwag pahintulutan ang pagtaas ng singil sa pamasahe sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit . Sa naturang resolusyon, ipinaliwanag ni Villar, na ipapaabot sa Malacanang ng liderato ng Senado ang saloobin ng mga senador na tutol sa planong itaas ang singil sa pamasahe sa MRT at LRT. “Ito (resolusyon) ay sense of the Senate. Ang Senado paminsan-minsan ay nagpaparamdam ng kanilang sentiment. At sinasabi lang namin na ito ang sentiment ng mga senador ngayon. Ipinaparating namin hindi lamang sa Executive Department o sa Malacanang pati na rin sa lahat ng involved na ito ang sentiment ng Senado," paliwanag ni Villar sa panayam ng dwIZ nitong Huwebes. Una rito, inihayag ng Malacanang na hindi aalisin kundi babawasan lamang ang subsidiyang inilaan sa pamasahe sa MRT at LRT. Tinatayang P2 bilyon ang planong tapyasin sa subsidiya sa pamasahe na magiging dahilan ng pagtaas ng singil sa mga pasahero nito. Ngunit iginiit ni Villar na hindi napapanahon ang pagtapyas sa subsidiya at pagtaas ng singil sa pamasahe sa MRT at LRT, bunga na rin ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga bilihin, kuryente at produktong petrolyo. Pinuna niya na walang naipresinta ang pamunuan ng MRT at LRT sa tatlong pagdinig na ginawa sa Senado, tungkol sa mga hakbangin na maaaring ipatupad ng dalawang ahensiya para makapagtipid at mabawasan ang gastusin sa kanilang operasyon. “Sa aking paniniwala, hindi pa napapanahon at ang dapat sana na una munang gawin ng mga nag-ooperate ng LRT ay magbigay muna ng pamamaraan para magtipid at makababa ng cost ng kanilang operasyon. Alam mo halos lahat naman ng pribadong kumpanya ganyan talaga kapag medyo nalulugi, ang unang-unang ginagawa ay naglalagay ng mga hakbangin ng pagtitipid para tumaas ang productivity at bumaba ang gastos," ayon kay Villar. “Wala akong naririnig na ganyan mula sa LRT at antimano ay gusto nilang magtaas agad at parang gustong bawiin ang kanilang pagkalugi sa tao agad. Naniniwala ako na dapat ipakita muna nila kung paano nila babawasan ang kanilang mga gastos," dagdag niya. Hinala ng senador, sadyang nais ng pamahalaan na itaas ang singil sa pamasahe sa mass transport system bilang bahagi ng plano na ibenta ito sa pribadong sektor. ‘Ang paniniwala ko dito sa ating unang hearing, nagmamadli silang taasan ito para maibigay sa pribadong sector. Hindi naman dapat iyan," ayon kay Villar, presidente ng Nacionalista Party. Binalewala rin niya ang umano’y patutsada ng isang senador na kaalyado ng Liberal Party na nais lamang “magpa-pogi" ng mga humaharang sa pagtaas ng singil sa pamasahe sa MRT at LRT. “Palagay ko kapag ininterview mo ang mga nagbabayad sa LRT (at MRT), makikita mo na napakalaking bagay niyan. Doon sa mga halos kapos na kapos na, ang karagdagang taas sa MRT (at LRT) ay masakit na rin iyan. Ang pagmamahal sa bayan naman at pagmamalasakit sa ating mga kababayan ay pagpapapogi, wika nga," pahayag niya. Maging si Senate President Juan Ponce Enrile ay nagpahayag ng pagtutol sa pagtaas ng singil sa pamasahe sa MRT at LRT. Bukod kay Villar, sumuporta rin sa resolusyon sina Sens. Ralph Recto, Joker Arroyo, Gregorio Honasan, Antonio Trillanes IV, Loren Legarda, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Ramon Revilla Jr., Vicente Sotto III at Ferdinand Marcos Jr. - FRJ, GMA News
LOADING CONTENT