Filtered By: Topstories
News

3 taong-gulang na babae, hinalay umano ng 12-anyos na kapitbahay sa Maynila


Nakararanas umano ngayon ng trauma ang isang tatlong taong-gulang na babae matapos na halayin ng 12-anyos na kapitbahay na lalaki sa kanilang lugar sa Maynila noong Biyernes. Sa exclusive report ni GMA News reporter John Consulta, sinabi ng ina ng biktima na itinago sa pangalang Lorna, na mismong ang anak niya ang nagkwento tungkol sa ginawang halayaan ng suspek. Dahil sa nangyari, nagkatrauma na umano ang batang babae at nangingilag kahit sa pagbibihis. “’Pag pinagsabihan kong magbibihis siya parang ayaw n’ya pong magbihis parang na-trauma na siya sa nangyayi na ‘yon," pahayag ni Gng Lorna sa 24 Oras nitong Huwebes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Lumapit nitong Huwebes si Lorna sa local social welfare and development ng Maynila para humingi ng tulong para sa anak. Nitong Huwebes ay pinuntahan ng Manila social welfare at pulis ang bahay ng 12-anyos na suspek pero hindi ito nakita. Sa pakikipag-usap sa telepono ni Jay dela Fuente ng Manila social welfare sa ama ng 12-anyos, sinabing pinagpapahinga umano ang binatilyo dahil sa trauma sa problemang pinagdadaanan tungkol sa pamilya. Sa kabila nito, pinayuhan ni Dela Fuente ang magulang ng binatilyo na isuko ang kanilang anak para sumailalim sa counseling at maipaliwanag sa kanya na mali ang ginawa sa tatlong taong-gulang na paslit. Bagaman hindi maaaring managot sa batas ang 12-anyos na suspek sa nagawang krimen sa ilalim ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice Welfare Act, sinabi ni Dela Fuente na may bagong ordinansa ang Maynila na mananagot naman ang magulang at guardian ng mga minor-de-edad na masasangkot sa krimen. “Meron itong kaparusahan at mayroon din itong multa, may pagkakulong at mayroon ding multa. Itong batas natin na 9344 na ‘to its about time na repasuhin ‘tong batas na ‘to. Tingnan natin sa anggulo na ibaba natin yung edad na nagbibigay ng exemption o nagbibigay ng suporta o proteksiyon na walang criminal liability yung bata," ani Dela Fuente. Samantala, isasailalim din sa therapy ang biktimang paslit at pati na kanyang magulang. - FRJ, GMA News