Filtered By: Topstories
News

Sex culture, laganap na sa Pinoy, ayon sa obispo


MANILA – Dahil sa impluwensiya ng mga bansa mula sa Kanluran, sinabi ng Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na lumalaganap na sa mga Pilipino ang tinatawag niyang “eroticize culture." Ang pahayag ay ginawa ni Bacani bunga na rin sa isiniwalat ni US Ambassador to the Philippines Harry Thomas Jr., na pakikipagtalik ang pakay ng 40 porsiyento ng mga lalaking dayuhang turista kapag nagpupunta sa Pilipinas. Ang naturang deklarasyon ni Thomas ay hindi ikinatuwa ni Bacani dahil inilalarawan umano nito ang Pilipinas bilang isang “sex destination" sa mundo. Ayon sa obispo, matagal nang problema sa Pilipinas ang prostitusyon bunga ng “consumer mentality" ng mga Pilipino o pagbaba ng respeto ng tao sa kanyang dignidad at sarili. Ito dahil sa pagpayag ng isang tao na ibenta ang kanyang katawan kapalit ng halaga upang mabili niya ang kanyang mga pangangailangan, paliwanag ni Bacani sa panayam ng Veritas radio nitong Biyernes. Idinagdag pa niya na ang “eroticize culture" na lumalaganap na ngayon sa Pilipinas ay impluwensiya ng Western countries. Aminado naman ang obispo na ang naturang usapin ay isang hamon sa Simbahang Katoliko para paigtingin ang pagtuturo ng moral values at kung paano maibabalik ang pagpapahalaga ng Pilipino sa kanilang dignidad at sarili. Kabit ang RH bill Nagbabala naman si Lipa Archbishop Ramon Arguelles na lalong lulubha ang problema ng prostitusyon sa Pilipinas kapag naaprubahan ang reproductive health (RB) bill na nagsusulong umano ng imoralidad. “Kapag naipasa ang RH bill at dahil sa pamamahagi ng gobyerno ng condom ay lalong dadami ang prostitusyon at magkakaroon ng HIV-AIDS. Ipino-promote kasi ng mga nagsusulong ng RH bill ang immorality. Imbes na gastusan ng gobyerno na magkaroon ng trabaho ang mga tao ay gagastusin ang pondo sa condom at iba pang abortifacient," pahayag ng arsobispo sa hiwalay ng panayam ng Veritas radio. Itinuturing naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na eksaherado ang pahayag ni Thomas tungkol sa datos ng “sex tourism" sa Pilipinas. Hinihinala niya na RH bill ang hidden agenda sa ginawang pahayag ni Thomas dahil posibleng nawawalan na umano ng pag-asa ang Amerika na maipasa ang kontrobersiyal na panukalang batas. - GMA News