Filtered By: Topstories
News

Tanong ni Cayetano: PNoy govt may diskriminasyon sa paglalaan ng pondo sa SUCs?


MANILA – Iminungkahi mismo ni Senador Alan Peter Cayetano sa mga kabataan na iparamdam sa pamahalaan at Kongreso ang kanilang saloobin tungkol sa inilalaang pondo ng gobyerno para sa mga state universities and colleges(SUCs). Inihayag ni Cayetano sa panayam ng media na suportado niya ang mga panawagan na huwag bawasan at sa halip ay dagdagan ang alokasyon sa mga SUCs dahil mahalagang mamuhunan ang gobyerno sa edukasyon ng mga kabataan. Bagaman pinupuri ng senador ang pamahalaang Aquino sa pagpupursige nito na paghusayin ang primary at secondary level ng edukasyon, tila pinapabayaan naman ng gobyerno ang tertiary level o ang mga kolehiyo. “'The youth groups are right for asking for an increase; the government is wrong for not accommodating their appeal," ayon kay Cayetano. “Dapat loud and clear ang boses ng mga youth. 'Yung gusto nilang suportahan at 'yung mga susuporta din sa future nila." Kung pagbabatayan umano ang datos tungkol sa kalagayan ng mga pamantasan sa bansa at bilang ng mga kabataan na nakapagtatapos ng kolehiyo, sinabi ng senador na kailangang buhusan ng pondo ng gobyerno ang SUCs. Batay sa survey, ang tatlong pangunahing dahilan kaya hindi pumapasok o hindi na nakatatapos ng kolehiyo ang isang kabataan ay: una, kailangan ng magtrabaho; pangalawa, hindi kaya ang gastusin sa pag-aaral; at pangatlo, kawalan ng interes ng mag-aaral. Ngunit makapagtapos man ng kolehiyo, sinabi ni Cayetano na 14 sa 100 naka-graduate sa kolehiyo ang hindi makahanap ng trabaho dahil sa masamang kalagayan ng ekonomiya. “That means kakaunti ang trabaho out there or may mismatch yung dami ng graduate sa availability ng trabaho," paliwanag ng mambabatas. Hindi rin umano dapat balewalain ang pagbaba sa world ranking ng mga unibersidad ng Pilipinas. Sa 2,180 unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas, apat lang ang pumasok sa listahan ng Top 200 Asian Universities ngayong 2011. “I join the other legislators and I join the students in asking that mag-leave naman tayo ng pondo papunta sa SUCs. There are sufficient funds in the GAA or the NEP of 2012 to put at least P1 or P2 billion in the SUCs,’ ayon kay Cayetano. Umaasa rin si Cayetano na makapagpapakita ang Commission on Higher Education (CHED) sa Kongreso at sa Pangulo ng five-year plan kung papaano mapapaunlad ang SUCs. Nitong Biyernes, muling nagsagawa ng protesta sa lansangan ang mga kabataan upang tutulan ang budget cut sa SUCs. Itinaas, di binawasan Igiiniit naman ni , Budget Secretary Florencio Abad na hindi binawasan kundi dinagdagan pa ng 10.1 percent ang pondo sa SUCs. Mula sa kasalukuyang P23.7 bilyon, ginawa itong P26.1 bilyon sa 2012. Partikular na tinukoy ni Abad ang mahigit P2 bilyon na inilaan sa ilalim ng Miscellaneous and Personnel Benefit Funds (MPBF) sa unfilled positions sa SUCs, at karagdagang P500 milyon sa CHED para sa SUC development. “Clearly, the state subsidy for SUCs is higher next year. But more important than the increase, this proposed budget supports the development of SUCs as responsive to the government’s five priority areas for growth and employment, which are agriculture and fisheries, tourism, general infrastructure, semiconductor and electronics, and business process outsourcing (BPO)," paliwanag ng kalihim. Bagaman totoo na may dagdag sa pondo ng SUCs, sinabi ni Cayetano na mas makabubuting direktang ipagkaloob na ito sa pamunuan ng mga unibersidad para magamit sa kanilang pangangailangan kaysa humingi pa sa CHED. “I'm happy that DBM has provided the funds. But since it is a lump sum, it has the possibility of being used as a pork barrel of maybe Malacanang, or maybe CHED. Bakit hindi na lang natin kunin yung P500M at ibigay directly sa mga SUCs? Why would they have to plead with CHED for them to implement programs na magaganda?," tanong ng senador. Ang pondo ay maaari umanong magamit sa pagpapatayo ng karagdagang gusali ng unibersidad o mga pasilidad na kakailanganin ng mga mag-aaral. Dagdag pa ni Cayetano, marami sa mga ahensiya o departamento ang nabigyan ng mataas na dagdag sa 2012 budget pero tila tinitipid naman ang subsidiya sa SUCs. “We're doing a budget analysis now and we did note that there is a certain department na malaki naman ang tinaas. Ang tanong ko lang bakit parang may discrimination o masama ang tingin o may some sort of hindi magandang impression ang gobyerno pagdating sa SUCs," aniya -- FRJ, GMA News