Filtered By: Topstories
News

LGUs, hinimok na magpasa ng ordinansa vs ‘yosi' poster sa mga tindahan


MALOLOS CITY — Hinimok ng tinaguriang “running priest" ng bansa ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa upang ipagbawal ang paglalagay ng mga poster ng mga produktong sigarilyo sa mga tindahan. Nitong Biyernes ay natapos ang isang linggong pagtakbo ni Father Robert Reyes mula Baguio City hanggang Maynila, na bahagi ng kanyang krusada para sa malusog na pangangatawan. Sa kanyang pagtakbo, lumagda sa kasunduan ang mga gobernador at alkalde sa mga dinaanan niyang lalawigan at lungsod upang magpatupad ng kautusan na bawal ang manigarilyo sa pampublikong lugar. Ngunit puna ni Reyes, kahit ipinagbabawal ang mga anunsyo ng mga sigarilyo sa media at billboards, patuloy naman ang paglalagay ng poster ng sigarilyo sa mga tindahan na nakikita rin ng mga kabataan. Dahil dito, hinikayat ng pari ang mga lokal na opisyal na lumikha ng mga resolusyon at ordinansa sa kanilang nasasakupan para ipagbawal na rin ang mga poster ad ng mga sigarilyo. Nanawagan din si Reyes sa mga mas nakatatanda na itigil na ang bisyo ng paninigarilyo upang hindi nila maimpluwensiyahan ang mga kabataan. Sinabi ni Reyes na plano niyang buuin ang isang kilusan na tatawagin niyang Clean Forever o C4E, na ang layunin ay ituro sa mga kabataan ang clean living para malayo sila sa masasamang bisyo gaya ng paninigarilyo. Plano ng pari na makipag-ugnayan sa mga paaralan para maisakatuparan niya ang C4E. - GMA News

LOADING CONTENT