Filtered By: Showbiz
Showbiz

Camille Prats, hirap tanggapin ang maagang pagpanaw ng mister


Sa kabila ng ipinakikitang katatagan, hindi pa rin napigilan ni Camille Prats na mapaluha nang ibahagi ang ilang detalye sa pinagdaang hirap ng kanyang mister na si Anthony Linsangan na pumanaw nitong Biyernes sa sakit na cancer. Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel, sinabing inamin ni Camille na nahirapan siyang tanggapin nang malaman nila last year na may Stage 4 “nasopharyngeal cancer" o cancer sa lalamunan si Anthony. Ayon sa bida ng Munting Heredera, mataas ang pag-asa nila na magagamot pa ang sakit ni Anthony dahil bata pa naman ito. Sa panahon na sumasailalim daw sa iba’t ibang treatment ang mister, sinabi ni Camille na katatagan ang kanyang ipinakita at hindi siya nakita kahit minsan ni Anthony na umiyak. “Kasi siguro during when he got sick I knew right away I have to be strong for him. Kasi may mga panahon na pinanghihinaan siya ng loob, may panahon na nagda-doubt na siya, nagtatanong siya kung gagaling pa siya. And I knew I had to be strong for him," kwento ni Camille sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Sabado.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Masakit man sa kalooban, kailangan daw niyang tanggapin na wala na ang mister at isipin na lamang na hindi na ito nahihirapan. Sinariwa rin niya kung gaano ka-supportive, kalambing at maalalahanin ang 32-anyos na mister. “Sa kanya ko talaga nakita yung taong sobrang totoo and he would always tell me na he loves me not because I’m Camille Prats, the actress; he loves me for what I am in real life," ayon kay Camille. Napaluha naman siya nang ikwento ang ginagawang pag-record ni Anthony ng Munting Heredera gabi-gabi. At kahit dadalhin na raw ang mister sa ospital, ibinilin pa rin nito na magdala ng flat screen TV para ituloy ang kanyang pagrerecord. Aminado si Camille na mahihirapan na siya ngayon bilang single parent ng kanilang three-year-old son na si Nathan. “A lot of people just tell me na may dahilan yung Diyos kung bakit ito yung nangyayari. Pero I just don’t understand, talagang hindi ko naiintindihan kasi ang liit-liit pa ni Nathan, ang bata ko pa. So hindi ko naiintindihan o never kong na-imagine na ganito ang mangyayari sa akin," patuloy ni Camille. Nitong Biyernes ng gabi ay ilang celebrities na ang dumalaw sa burol ni Anthony. Kabilang dito ang kanyang kaibigan na si Angelica Panganiban at mga co-star sa Munting Heredera na sina Gabby Eigenmann at Ynez Veneracion. Sa Martes ay nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan si Anthony sa Dasmarinas, Cavite. - FRJimenez, GMA News

Tags: camilleprats