Filtered By: Topstories
News

Nakialam sa Facebook ng 13-anyos na namatay sa mall shooting, nais matukoy ng ama


Inilibing na sa Mariveles, Bataan nitong Sabado ang 13-anyos na binatilyo na kasamang nasawi sa hinihinalang kaso ng suicide-murder sa SM mall sa Pampanga. Pero hiling ng ama ng nasawi, ituloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso. Sa ulat ni GMA News reporter Ian Cruz sa 24 Oras nitong Sabado, sinabi nito na ilang gamit ng nasawi ang isinama sa puntod nito gaya ng mga damit. Sa misa sa simbahan, ipinaabot ng ama ng binatilyo ang pasasalamat sa mga taong nakiramay sa kanila. Kasabay ng pagtangis, nagbigay din siya ng payo sa katulad niyang magulang. “Nanay, tatay tingnan po ninyo uli ang mga anak ninyo baka napapabayaan.Ayokong mangyari sa inyo ang nangyari sa akin, masakit po ang mga sagat dito sa dibdib ko," pahayag ng ama ng binatilyo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Bagaman idineklara ng pulisya na sarado na ang kaso, nakiusap ang ama ng binatilyo na ipagpatuloy ang imbestigasyon at alamin kung sino ang nakialam sa Facebook account ng kanyang anak at nagbura sa laman nito. “Kailangang managot yung taong gumawa ng… pinaglaruan yung ganitong sitwasyon na hindi naman dapat. Iba ito, ibang tragedy ito sa buhay ng bawat isa sa amin. Kailangang managot kung sino man yung taong naglaro ng mga damdamin ng ganito. Hindi tama, masakit," giit niya. Nakita umano sa ginamit na laptop ng nasawi na 40 beses na may nag-access sa Facebook account nito at binura ang laman ng account. Bukod sa 13-anyos na binatilyo, nasawi rin sa pinapaniwalaang kaso ng suicide-murder ang hinihinalang “lover" niya na 16-anyos na lalaki na taga-Baliwag, Bulacan. - FRJImenez, GMA News

LOADING CONTENT