Filtered By: Topstories
News

Gobernador ng Bataan, nakaligtas sa bumagsak na puno dahil kay ‘Pedring’


BALANGA, Bataan – Sugatan ang drayber ni Bataan Governor Enrique “Tet" Garcia, nang mabagsakan ng puno ng acacia ang sinasakyan nilang van sa Roman superhighway sa bayang ito nitong Martes habang humahagupit ang bagyong si “Pedring." Hindi nagalusan si Garcia pero nagtamo ng sugat sa ulo at katawan ang kanyang drayber na si Efren Pascual. Walang malay na isinugot si Pascual sa Bataan General Hospital sa Balanga City. Ayon sa gobernador, sakay sila ng E-150 Ford van at nanggaling sa unang distrito ng lalawigan para suriin ang pinsalang idinulot ni Pedring, nang maganap ang sakuna dakong 3:00 p.m. Patungo na umano siya sa second district at pagkatapos ay pupunta sana sa Maynila nang biglang bumagsak sa puno sa van na walong taon na umano niyang ginagamit. Balak pa sana ni Garcia na magtungo sa Maynila para sa inihahandang petisyon na hihiling sa Malacanang na huwag ituloy ang pasingil ng Value Added Tax sa tollways. Baha at nagkalat na puno Dahil sa malakas na hangin na may kasamang pag-ulan, mahigit 10 barangay sa mga bayan ng Hermosa, Abucay at Balanga, ang nalubog sa baha sa MacArthur Highway. Ayon kay Senior Supt. Arnold Gunnacao, Bataan police director, apektado ang mahigit 3,400 na pamilya sa mga bayan ng Abucay, Balanga City, Morong at Mariveles na ang karamihan ay dinala sa mga evacuation center. Pagsapit ng hapon ng Martes, binaha ang bahagi ng MacArthur Highway sa Abucay at Balanga na ang lalim ng tubig ay aabot ng hanggang lampas tuhod. Sa pagitan ng Kapitangan (Abucay) at Tuyo (Balaga City) mas malalim ang tubig na tanging malalaking sasakyan na lamang ang puwedeng dumaan. Umabot naman ng halos hanggang baywang ang tubig sa sitio Pio del Mar sa barangay Cupang sa Balanga City. Malalim din ang tubig sa Pto. Rivas Ibaba at itaas at Tuyo, mga barangay pa rin ng Balanga. Sa bayan ng Hermosa, halos hanggang dibdib ang tubig sa barangay Almacen samantalang hanggang tuhod naman ang sa Daungan at hanggang binti ang sa A. Rivera. Buong maghapon naman na nawalan ng kuryente sa buong Bataan at naibalik lamang ang serbisyo ng kuryente dakong 10 p.m. Halos mapuno rin ng mga punong-kahoy ang Roman Superhighway sa Bataan matapos magbagsakan ang maraming puno dahil sa bagyong "Pedring." Isang poste rin ng kuryente ang natumba sa Balanga City. Nagtulong-tulong ang mga pulis, sundalo, manggagawa ng Department of Public Works and Highways at mga taga-barangay upang maitabi kaagad ang mga naghambalang na punong kahoy sa mga lansangan. – EE/FRJ, GMA News