Filtered by: Topstories
News

Trillanes nababagalan kay De Lima sa mga kaso vs Arroyos


MANILA – Nagpakita ng labis na pagkadismaya si Sen. Antonio Trillanes IV sa umano’y mabagal na pagkilos ni Secretary Leila De Lima ng Department of Justice (DOJ) sa pagsasampa ng kaso laban sa mga Arroyo. Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, pinuna ni Trillanes ang nakaraang pahayag ni De Lima na walang direktang ebidensiya na magdadawit kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, sa dayaan umano noong 2004 presidential elections. “Nakita mo ‘yung statement niya, no direct link to Arroyo, parang inabswelto mo eh. What happens now to the 'Garci' tapes, hindi pa ba diretso ‘yun? Direkta ‘yun eh. Kahit hindi ka abogado matatahi-tahi mo naman ‘yung istorya eh," ayon sa senador. Idinagdag ni Trillanes na taliwas sa kampanya ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino II sa paghabol sa katiwalian ng nakaraang administrasyon ang sinasabing mabagal na pagkilos ni De Lima. “Kita niyo lumabas na (ng bansa) si FG (dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo), may plunder case dito, nasa watchlist ba? Wala, wala eh, 'di ba? So ganoon lang eh, I don't know. Hindi ko alam kung anong agenda talaga ni Secretary De Lima but apparently hindi siya in consonance with the policy statements of the President (Aquino)," diin niya. Nagpasaring din ang mambabatas na tila pumupostura lamang si De Lima para tumakbong senador sa susunod na eleksiyon. Posibleng may makulong lang umano kapag may bago ng kalihim ang DOJ. “Eventually may makukulong pero siguro wala na siya ro’n as secretary of justice baka senador na siya. Kaya nga sabi ko sige takbo ka na lang ng senador para lang ma-open 'yung post na 'yan, di ba? Kasi wala eh natra-traffic tayo rito," batikos pa ni Trillanes kay De Lima na katulad niyang mula sa Bicol region. Pero giit ni Trillanes, walang kinalaman ang kanilang pagiging magkababayan ni De Lima sa pagpuna niya rito sa hindi pag-usad ng mga kaso laban sa mga Arroyo. “It's irrelevant eh (ang pagiging magkababayan). Sa akin pakita niya that's the best campaign she could ever dreamed of, file decent cases or cases in court that would lead to the arrest of these people who wronged this country," ayon sa senador. “Diyan mo ngayon maipapakita na you deserved to be the senator of the republic. Pero kung paporma-porma lang tayo diyan, pa-press release and press statement lang eh lolokohin lang ulit ang taong-bayan," dagdag niya. - GMA News
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics