Filtered By: Topstories
News

Mag-ina nasawi sa pagguho ng tambakan ng basura sa Bataan


DINALUPIHAN, Bataan — Patay ang isang ginang, kasama ang kanyang batang anak nang gumuho ang tambakan ng basura sa hangganan ng Bataan at Olongapo City, at tumabon sa kanilang tirahan noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Pedring. Naganap ang pagguho ng mga basura nitong Martes ng gabi kunsaan limang bahay ang natabunan ng basura sa hangganan ng Dinalupihan, Bataan at Olongapo City. Kinabukasan (Miyerkules), nahukay sa kanilang bahay sa Brgy Bangal, Dinalupihan ang mga labi ng mag-inang Lanie Ganseco at anak niyang si Iya, na mahigit isang taon gulang pa lang. Isa pang lalaki na kapit-bahay ng mag-inang Ganseco ang pinapaniwalaang natabunan at nasawi rin sa naganap na trahedya. Ayon kay Martin Ganseco, padre-de-pamilya, pumasok siya sa trabaho bilang security guard sa isang tindahan sa Olongapo City nang mangyari ang pagguho ng mga basura. Hindi umano akalain ni Martin na mangyayari sa kanyang mag-ina ang naturang uri ng aksidente dahil paniwala niya ay ligtas ang lugar na kinatitirikan ng kanilang bahay. “Matulungan lamang akong maipalibing ang aking mag-ina, ayos na sa akin," pakiusap ni Ganseco habang nangingilid ang luha. May nagsabi naman daw sa kanya na tutulungan siya ng lokal na pamahalaan ng Olongapo. Kuwento ni Francis Santos, residente sa lugar, nakarinig sila ng malakas na dagundong mula sa landfill dakong 8:00 p.m. “Parang may eroplanong bumagsak na pagkatapos ay tuloy-tuloy na gumulong pababa ang mga basura," pahayag ni Santos. Sinabi ni Santos na 2004 pa siya nanirahan sa lugal pero ngayon lang nangyari ang pagguho ng mga basura. Tanging ang bahay ng mga Ganseco ang sakop ng Dinalupihan samantalang ang apat pang natabunan ay sakop naman ng Olongapo City. “Segundo lamang ang malakas na dagundong na sinundan ng ingay na tila nagbabagsakang yero," kwento naman ni Analyn Lazo, matagal na ring naninirahan sa mataas na bahagi ng tambakan ng basura. Hindi rin naging madali ang pagpunta sa pinangyarihan ng trahedya. Kailangang lumusong sa matarik na hagdang gawa sa gulong ng motorsklo na tinambakan ng buhangin sa gitna upang marating ang mga bahay na natabunan. Noong nakaraang buwan, lima ang namatay nang gumuho rin ang tambakan ng basura sa Baguio City bunga naman ng pag-ulan dulot ng bagyong "Mina." -- EE/FRJ, GMA News