Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, idinepensa sa kanyang litrato na may hawak na sigarilyo


Matapos umani ng kritisismo ang litrato ni Nora Aunor na naging cover ng isang magazine, nakiusap si German “Kuya Germs" Moreno, na huwag kaagad husgahan ang kanyang kaibigan at nag-iisang Superstar. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabi sa ulat ni Jam Sisante na hindi nagustuhan ng Philippine Medical Association ang larawan ni Ate Guy (palayaw ni Aunor) sa Yes! Magazine. Tila iniindorso raw ng batikang aktres ang paninigarilyo na masama sa kalusugan ng tao. Ayon kay Dr Oscar Tinio, pangulo ng PMA, ang mga kilalang personalidad na katulad ni Aunor ay iniidolo ng publiko at nagiging ehemplo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Nakita nilang ginagawa ng personalities ‘yan mga artista o mga government official or whoever na popular, eh ano…ginagaya," paliwanag ni Tinio. Pero depensa ng pamunuan ng naturang babasahin, napili ang naturang litrato ni Ate Guy dahil akma ito sa kung sino si Nora ngayon na siyang paksa ng panayam. “She speaks out now, against perceived hurts, about her sexuality, about her children. She also smokes. This new openness is her chosen expression of who she is today, and that is the reason I chose that photograph," paliwanag ni Jo Ann Maglipon, editor-in-chief , Yes! Magazine. Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa ginagawang pagpuna sa kalayaan sa pagpapahayag na dapat umanong respetuhin. Ayon naman kay Kuya Germs na kaibigan at tumatayong manager ni Ate Guy, ginagawa lang nito ang trabaho na mag-pose para sa magazine. Hindi umano dapat husgahan kaagad ang superstar at wala rin itong intensiyon na maging masamang ehemplo. “Hindi naman niya sinasabi na parang nagkukumbinsi si Guy na turuan manigarilyo ang tao, pictorial lang naman ‘yon ng isang magazine," paliwanag ni Kuya Germs. - FRJimenez, GMA News