Filtered By: Showbiz
Showbiz

Eat Bulaga host speaks out about son's special condition


Inilahad ng Eat Bulaga host at comedienne na si Ruby Rodriguez kung papaano niya hinaharap ang pagsubok bilang ina na mayroong anak na nangangailangan ng espesyal na pagkalinga. Ayon kay Pia Guanio, host ng Chika Minute segment ng 24 Oras nitong Huwebes, hindi maaaninag sa ipinakikitang ngiti sa labi ng kanyang “dabarkads" sa Eat Bulaga na si Ruby, ang pinagdadanan nitong pagsubok bilang ina ng isang bata na mayroong AD/HD o attention deficit, hyperactivity disorder. Tatlong taon gulang lang umano ang bunsong anak ni Ruby na si AJ nang matuklasan na mayroon itong AD/HD. Ngayon ay anim na taong gulang na si AJ. “Because of AD/HD he has learning difficulty already.So, meron nang dyslexia, pabaliktad na magsulat," kwento ng TV host/comedienne.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon sa espesyalista, may tatlong palatandaan para malaman kung mayroong AD/HD ang isang bata. Ang hyperactivity (sobrang malikot), impulsivity (mga pagkilos na hindi inaasahan) at inattention (kulang sa focus). Kadalasan rin daw na namamana sa magulang ang naturang disorder. Maging si Ruby ay nagulat umano dahil ang kanyang biro minsan sa duktor na may AD/HD siya noon ay lumitaw na totoo, pero hindi lang umano na-diagnose. Kaya naman mahigpit na payo ni Ruby sa mga magulang, ipatingin kaagad sa duktor ang anak kung may makikitang sintomas ng AD/HD para matugunan ang pangangailangan nito at kaagad maremedyuhan. Bukod sa gamot na iniinom, sinabi ni Ruby may mga aktibidad na ginagawa si AJ para matuon dito ang kanyang atensiyon tulad ng pagbi-bike At dahil sa naturang kondisyon ng anak, lalo raw naging malapit sa isa’t isa si Ruby at ang kanyang mister. - FRJimenez, GMA News