Filtered by: Topstories
News

Malacanang pinapagastos ni Recto para sa rehabilitasyon ng mga pininsala ni Pedring


MANILA – Hinimok ni Sen Ralph Recto ang Malacanang na gamitin ang tinitipid na pondo ng gobyerno para sa rehabilitasyon ng mga impraestruktura na winasak ng bagyong “Pedring." Sa gagawing paggastos ay maitutuwid umano ng pamahalaan ang pagkakamali nito sa ginawang pagtitipid sa gastusin ngayong taon, ayon sa pahayag ng senador nitong Biyernes. "Not only croplands and properties were toppled by typhoon Pedring but also the government's alibi to slow down spending," Recto, chair of the Senate ways and means committee," ayon kay Recto, chairman ng Senate committee on ways and means. Ayon kay Recto, maituturing na “calamity fund" ang nalalabing pondo ng pamahalaan ngayong 2011 na naghihintay lang na gastusin para maisaayos ang mga pininsala at at mga lugar na mawawasak pa ng mga susunod na bagyo. Batay sa mga ulat, tinatayang lima hanggang anim na bagyo pa ang posibleng tumama sa Pilipinas bago matapos ang 2011. Tinatayang aabot sa mahigit P1 bilyong ang halaga ng winasak na impraestruktura at pananim ng bagyong Pedring, at aabot sa 43 katao ang nasawi. Ilang mambabatas na ang nagmungkahi sa gobyerno na tigilan na ang pagtitipid at sa halip ay gumastos sa mga infrastructure project para makalikha ng mga trabaho. Sinabi ni Recto na bahagya lamang ginalaw ng pamahalaan ang infrastructure outlays ngayong 2011, na umabot lamang sa P64.5 bilyon mula January hanggang July. Malayo umano ito sa P156 bilyon na ginastos sa unang pitong buwan noong 2010. Bukod pa rito, sinabi ng senador na todo rin ang pagtitipid ng gobyerno sa buong burukrasya mula Enero hanggang Agosto na umabot lang sa P947.244 bilyon, malayo sa P1.031 trilyon na nagastos sa unang walong buwan noong 2010. "If the typhoons go on a holiday this Christmas, then good. When it strikes, then the LGUs and national agencies could easily start rehabilitation effort with the already approved or obligated funding," pahayag ni Recto. Ang mga proyektong gagawin sa mga lugar na sinalanta ng bagyo ay makalilikha umano ng trabaho para sa mga residenteng napinsala ng kalamidad at makatutulong din sa pagpapasigla ng ekonomiya sa lugar. - GMA News
LOADING CONTENT