Filtered By: Topstories
News

Nilubog ni 'Pedring': Piitan ng San Mateo, hiniling ilipat ng lugar


MANILA – Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong “Pedring" noong Martes, napag-alaman na inilikas sa evacuation center ang mga nakadetine sa San Mateo Municipal Jail, matapos pasukin ng baha ang piitan. Sa ulat na ipinadala kay Secretary Jesse M. Robredo ng Interior and Local Government (DILG), ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Biyernes, napag-alaman na inilipat muna sa ikalawang palapag ng piitan ang mga nakadetine sa San Mateo municipal jail, nang pasukin ng tubig ang unang palapag ng gusali noong Martes. Ngunit hindi nagtagal ay kinailangan nang dalhin ang mga bilanggo sa pinakamalapit na eskuwelahan na nagsisilbing evacuation center nang tumaas pa ang tubig, ayon kay Jail Warden Sr. Insp. Darwin S. Agullo. Tinatayang aabot sa 240 ang nakadetine sa nasabing piitan na madalas umanong bahain dahil malapit lang ito sa ilog ng San Mateo. Dagdag ni Agullo, mapanganib tuwing inililikas nila ang mga bilanggo dahil posibleng samantalahin ng mga ito ang sitwasyon para tumakas. Dahil dito, hiniling ni Agullo kay San Mateo, Rizal Mayor Jose Rafael Diaz, na maglaan ng lote sa mataas na lugar na maaaring pagtayuan ng bagong piitan upang hindi na nila kailanganing ilikas ang mga bilanggo. Ang bagong piitan ay maaari umanong itayo sa Brgy. Modesta o Brgy. Pintong Bukawe sa nasabing lungsod. Bukod sa maiiwasan ang posibilidad ng pagtakas, sinabi ni Agullo na mahalaga pa rin na maprotektahan nila ang kaligtasan ng mga nakadetine sa kulungan kapag malakas ang ulan. - GMA News