Filtered By: Topstories
News

4 na hinihinalang miyembero ng Camera Holdup Gang, arestado sa Antipolo


Arestado ang apat na hinihinalang miyembro ng Camera Holdup Gang sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis sa Antipolo City, ayon sa ulat ni Maria Ausente sa GMA News TV's "News to Go." Hinuli ng mga pulis sa Antipolo City sina Jason Welba at Alex Seña nang nagdeklara ang dalawa ng hold-up sa mga nagkunwaring biktima. Tumangka pang tumakas si Alex Seña ngunit hindi na rin siya nakapalag. Matapos mahuli ang dalawang suspek, agad na inasikaso ng mga pulis ang paghuli sa lider ng nasabing grupo. Inatasan ng mga pulis ang mga suspek na tawagan ang kanilang lider at makipagkita. Dumayo ang mga pulis at ang mga suspek patungong Ynares Center sa Antipolo City kung saan nila kikitain ang lider umano. Hinuli si Ian Advincula, ang hinihinalaang lider ng Camera Holdup Gang at agad na dinala sa presinto. Nasangkot din si Ruth Viduya na nakita umano kasama ang grupo. Sa presinto, todo tanggi si Welba at Seña. Nakuhanan din ng dalawang sachet ng tuyong marijuana si Welba. Ayon kay Chief Inspector Rizaldy Aquino, deputy chief of police ng Antipolo City, maaaring sampahan ang mga suspek ng kasong roberry hold up at illegal possesion of firearms. Maaari rin silang makasuhan dahil sa marijunang na-recover kay Welba. Laking tuwa naman ng mga naging biktima ng Camera Holdup Gang sa paghuli ng mga suspek. "Parang nabunutan ng tinik. Kumbaga makakatulog na ng maayos kasi tahimik na," pahayag ng biktimang si Rommel Ross. Ayon naman sa biktimang si Jay Servito, "Kawawa naman 'yung mga nagsisimulang photographer, kawawa din 'yung mga nagsisimulang wedding coordinators, talent managers, etc. dahil mawawala na ang trust." Kasalakuyan pang inaasahan ng mga pulis ang paglitaw ng iba pang miyembro ng Camera Holdup Gang. Ayon kay chief of police Superintendent Rodino Elfa, "Habang hindi natin nafa-file 'yung kaso sa kanila, we can't consider it as closed case. Kailangan muna namin silang masampahan ng kaso. Hindi naman natin tinitigilan 'yung paggawa ng paraan para ma-trap sila." — AF/RSJ, GMA News