Filtered By: Topstories
News

Pagdeklara ng National State of Calamity, pinag-aaral ni PNoy


MANILA – Inihayag sa Malacanang nitong Martes na pinag-aaralan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na magdeklara ng National State of Calamity bunga ng pinsalang idinulot ng mga bagyo. Sa pulong balitaan sa Malacanang, sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda, na ang pagdedeklara ng state of calamity ay batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Inaasahan na makukuha umano ni Aquino ang buong ulat ng NDRRMC tungkol sa rekomendasyon ngayong Martes. Isa umano sa benepisyo ng pagdedeklara ng state of calamity ay maaaring makautang ang gobyerno at sisingilin sa mas mababang interes. Gayunman, iginiit ni Lacierda na sapat ang pondo ng gobyerno para sa relief operation.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Noong nakaraang linggo, iminungkahi ni Sen Ralph Recto, na gastusin ng pamahalaan sa rehabilitation program ng mga lugar na sinalanta ng bagyong “Pedring" at “Quiel" ang pondong naipon mula sa ginawang pagtitipid. Batay sa pagtaya ng NDRRMC, umabot sa P8.803 bilyon, na kinabiblangan ng P1.249 bilyong sa impraestruktura at P7.554 bilyon sa agrikultura ang winasak ng bagyo na puminsala sa iba’t ibang bahagi sa Luzon. Nakatakda namang bisitahin ni Aquino sa Miyerkules ang mga lugar na pininsala ng mga bagyo, kabilang ang Tarlac, Bulacan at Pampanga. Una rito, pinuna ng ilang kritiko si Aquino dahil hindi kaagad nagpakita matapos manalasa ang bagyong "Quiel." - GMA News