Filtered By: Topstories
News

Dolphin, natagpuang patay sa baybayin ng Ormoc


ORMOC City – Patay na ang sugatang dolphin nang makita ng mga residente sa Brgy Linao, Ormoc City nitong Martes ng gabi.

Sa pamumuno ni Police Inspector Harris Rebato ng police station 3, kaagad na nagresponde ang mga awtoridad bago pa sila maunahan ng mga residente na katayin ang hayop. Pinagkakaguluhan na ang patay na dolphin ng mga residente sa Purok 1, Brgy Linao nang maabutan ito ng GMA News dakong 10: 00 p.m. Dinala ang patay na dolphin sa tanggapan ni Irish Belmonte, ang namumuno sa Animal Production and Fisheries ng City Agricultural Services Office upang masuri ito. Ayon kay Belmonte, posibleng nasa isang taong gulang pa lamang ang hayop na isang babaeng Spinner Dolphin. Anim na sugat ang nadiskubre ni Belmonte sa katawan nito na pawang mababaw lang. Maaaring nawalay ito sa kanyang mga kasama hanggang sa mapadpad sa baybaying dagat. “Dahil sa kanyang sugat nanghina siya kaya siya na-stranded kaya siya namatay. Duda ko na baby pa ito at baka nawalay siya sa kanyang mga kasama," ani Belmonte. Hindi rin matiyak kung paano nagkaroon ng sugat ang dolphin pero kaagad itong ipinalibing matapos masuri ni Belmonte. – RRoa/FRJ, GMA News
Tags: dolphine