Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mangudadatu denies relationship with sexy actress Ynez Veneracion


“Special Friends." Ganito inilarawan ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu ang naging relasyon niya sa sexy actress na si Ynez Veneracion. Sa panayam ng media nitong Miyerkules sa gobernador nang dumalo sa Maguindanao massacre trial sa Taguig City, ipinaalam ni Mangudadatu kung gaano kalaki ang pasasalamat niya kay Ynez dahil sa pagtulong sa kanya noong panahon ng eleksiyon. "Malaki lang talaga ang naging tulong niya sa pagkapanalo ko at ng ibang kapartido ko sa elections dati," kwento ng gobernador. "Iyong ibang ininvite ko (na artista), tumanggi kasi nga natatakot sa Maguindanao, dahil kainitan pa noon [noong massacre]. Si Ynez lang talaga ang pumayag mag-show." Nanalo si Mangudadatu bilang gobernador sa Maguindanao noong May 2010 automated elections. Halos isang buwan umanong sumama si Ynez sa kanilang kampanya sa lalawigan. Kabilang ang misis at dalawang kapatid na babae ni Mangudadatu sa 57 katao na nasawi sa Maguindanao massacre na naganap noong Nobyembre 23, 2009. Una rito, sinabi ni Ynez na niligawan siya ni Mangudadatu at nagkaroon sila ng relasyon noong Hunyo 2010. Ngunit nagdesisyon umano ang aktres na iwasan ang gobernador matapos siyang hikayatin na lumipit sa relihiyong Islam, at sa Davao na siya maninirahan. Pero sa halip na pag-usapan ang naging kaugnayan niya kay Ynez, sinabi ni Mangudadatu na mas gusto niyang pag-usapan ang kanyang childhood "crush" na si Alice Dixon. "Simula high school pa lang ako, hanggang ngayon, crush ko na si Alice Dixon," natatawang pagsisiwalat ng goberndor. Sumikat si Alice sa television sitcom "Okay Ka Fairy Ko," bilang misis ni Vic Sotto. Taong 1999 nang lumipad ang aktres sa Canada at napangasawa si Ronnie Miranda. Muling nagbalik sa Pilipinas si Alice para buhayin ang kanyang showbiz career. "Nung sinabi nga sa akin na bumalik na daw sa Pilipinas si Alice, talagang natuwa ako," ayon kay Mangudadatu. "Maganda kasi talaga siya at tsaka ang ganda ng lips niya." Pero paglilinaw ni Mangudadatu, hanggang paghanga na lamang siya kay Alice dahil may asawa na ang aktres. - MMerueñas/FRJ, GMA News