Filtered By: Topstories
News

Drilon: Cha-cha, ‘di magtatagumpay kapag ‘di sinuportahan ni PNoy


MANILA – Bagaman hindi kailangan ang basbas ng Palasyo, aminado si Sen. Franklin Drilon na hindi magtatagumpay ang hakbangin na amyendahan ang Saligang Batas kung hindi ito susuportahan ni Pangulong Benigno Aquino III. “It is extremely difficult, with the support of the president. We must have the support of the president, in order to succeed in this endeavor," pahayag ni Drilon nitong Huwebes. Una rito, nagkasundo ang mga lider ng Senado at Kamara de Representantes na amyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas upang makahikayat ng maraming dayuhang mamumuhunan sa bansa. Ngunit naging matamlay ang tugon ni Aquino sa plano ng Kongreso na galawin ang 1987 Constitution na nalikha sa ilalim ng termino ng kanyang ina na si dating pangulong Cory Aquino. Ngunit sa kabila ng pahayag ni Aquino, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile, na itutuloy ng mga senador ang kanilang plano kahit walang basbas ng pangulo. Sa Kamara, maghahain ng resolusyon si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon upang hilingin sa liderato ng Kamara na ilatag ang mga probisyon tungkol sa ekonomiya na planong baguhin. Nagdeklara rin si Biazon na haharangin ang Cha-cha kapag nagsama ng mga political provision na babaguhin dahil paghihinalaan ng publiko ang motibo sa gagawing pag-amyenda. Umaasa naman si Drilon na hindi pa tuluyang sarado ang isipan ni Aquino na amyendahan ang Konstitusyon lalo pa’t ngayon umano ang tamang panahon na galawin ang Saligang Batas. "He (Aquino) is not interested in re-election, does not intend to stay one day longer than June 30, 2016," ani Drilon. "If he supports this [Cha-cha], we can have it before his term is over." Idinepensa rin niya ang sistemang bicameral constituent assembly na gagamiting paraan upang amyendahan ang economic provision sa Saligang Batas. "There is already check and balance in the proposed bicameral constitution assembly because both the Senate and the House of Representative will have to vote separately," paliwanag niya. Tiniyak din ng senador na tututulan niya ang anumang pagkilos o panukala na amyendahan ang iba pang probisyon maliban sa pangangailangan sa ekonomiya. -- GMA News