Filtered by: Topstories
News
Senate probe sa DBP loans, tuloy kahit ‘di nakadalo si Ongpin
MANILA – Itinuloy ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Biyernes ang imbestigasyon sa ginawang pagpapautang ng dating pamunuan ng Development Bank of the Philippines (DBP) negoyanteng si Roberto Ongpin, na umano’y malapit sa pamilya Arroyo. Sa pagdinig ng komite na pinamunuan ni Sen Teofisto Guingona, hiniling ni Atty Alex Poblador, abogado ni Ongpin na payagan siyang basahin ang inihandang pahayag ng kanyang kliyente na hindi nakadalo dahil umalis ito ng bansa noon pang Setyembre 23 patungong Europa dahil sa negosyo. "He conveys his regret for not being able to attend but he would be pleased to attend if the hearing would be scheduled after October 25 when he comes back," paliwanag ng abogado. Napag-alaman din na noon lamang Sept 28 nakarating sa kaalaman ng kampo ni Ongpin ang imbitasyon ng komite para sa itinakdang pagdinig nitong Oct 7. Dahil dito, nagpadala umano ang sulat ang negosyante sa tanggapan ni Guingona noong Oct 3, para hilingin na ipagpaliban ang pagdinig hanggang makauwi siya sa Pilipinas dahil nais niyang humarap sa imbestigasyon. "I'm pleading for an exemption to the rule because he [Ongpin] left on September 23 before the invitations were sent and he would really like to participate in this proceedings and I think in fairness to him he should be able to present his side at this point in time," pakiusap ni Poblador. Ngunit nagmatigas si Guingona at nagpahayag na: "We cannot accede to that. We will give him the opportunity when he's here." Sinabi ni Poblador, na nais sana ni Ongpin na personal na maipaliwanag sa komite na legal at hindi “behest loans" ang nakuha niyang P660 milyon utang sa DBP para sa kumpanya niyang Delta Venture Resources Inc. (DVRI), noong 2009 sa ilalim ng termino ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nauna nang sinabi ni Ongpin na nabayaran na niya – nang mas maaaga sa inaasahang panahon ng kanyang pagbabayad – ang naturang utang sa bangko. Inaakusahan si Ongpin na mabilis na nakautang si DBP dahil sa pagiging malapit nito sa mga Arroyo. Ang inutang na pera para sa DVRI ay sinasabing ginamit sa pagbili ng stocks ng Philex Mining Corporation, na kalaunan ay ibinenta rin sa mas mataas na halaga. Iregularidad Sa naturang pagdinig, sinabi ni Aurita Villosos, internal audit ng DBP, na ilang patakaran ng bangko ang hindi nasunod sa pagpapautang sa kumpanya ni Ongpin. Kabilang umano dito ang pagpapautang sa DVRI kahit nalugi ang kumpanya noong 2008. Binigyan din umano ng mababang fixed interest rate ang DVRI na taliwas sa itinatakda ng DBP circular. "We have an observation that... evaluation and approval of loans were done in haste discussions or deliberations.... the accounts were not adequately documented," ayon kay Villosos. Sinasabing sina Ongpin at dating DBP president Reynaldo David ay kapwa miyembro ng Philex board nang ipagbili ang mga sapi nito. Nanindigan naman si David na walang iregularidad sa transaksiyon ng DBP sa kumpanya ni Ongpin. "The financial transactions of the bank were properly evaluated, studied, recommended, and approved with the end view that in the exercise of the sound business judgment of the board transactions will always be advantageous for the DBP, free from irregularities of laws, rules, and regulations," paliwanag niya David sa pagdinig. Samantala, sa inihandang pahayag ni Ongpin, sinabi nito na bago matapos ang 2008 ay nakabawi na ang DVRI ay may networth na P114 milyon batay na rin umano sa audited financial statements na isinumite sa Bureau of Internal Revenue and the Securities and Exchange Commission. Nauna nang inakusahan ni Ongpin na pinapalutang lang ng bagong pamunuan ng DBP ang usapin ng “behest loan" para mapagtakpan ang pananagutan ng mga ito sa pagpapakamatay ng isa nilang opisyal. Sinasabing napilitang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti si Atty Benjamin Pinpin, dahil sa umanong ginawang panggigipit dito upang pumirma sa sinumpaang salaysay na magdiin sa negosyante at iba pang dating opisyal ng DBP sa usapin ng behest loan. (Basahin: Dahilan ng pagpapakamatay ng DBP exec, nais malaman ni PNoy)- GMA News
Tags: robertoongpin, benjaminpinpin
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
More Videos
Most Popular