Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jinkee Pacquiao, sasabak na rin sa showbiz


Susundan na rin ni Jinkee Pacquiao ang yapak ng kanyang asawang si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa pagsabak sa mundo ng showbiz, ayon sa ulat ni Aubrey Carampel para sa “24 Oras" noong Biyernes. Tulad ni PacMan na host ng “Manny Many Prizes," nakatanggap na rin umano si Jinkee ng offer upang mag-host ng sariling TV show. Kasalakuyan pang pinag-uusapan ang magiging tema ng kanyang show pero kung si Jinkee ang tatanungin, nais niyang may kinalaman ito sa public service. Buo naman ang suporta ng Pambansang Kamao sa pagsabak ni Jinkee sa showbiz. Sa katunayan, si Pacquiao ang unang kinausap sa pagkakaroon ng sariling show ng kanyang maybahay.


"Siya kasi ang unang kinausap regarding doon sa show. ‘Yung mga dumadating sa buhay is a blessing kasi ‘yan. Kasi ‘yung ibang mga tao ngayon, naghahanap ng trabaho. Gusto ko rin kasi may ginagawa ako, syempre," pahayag ni Jinkee. Inaasahan naman ni Jinkee na hindi gaano kahirap ang kanyang magiging bagong trabaho. "Hindi naman siya gaano kahirap. Mayroon namang magtuturo sa ‘kin. May mag-aalaga sa ‘kin kasi ‘yun naman sinabi nila na ‘yung hindi dapat ako mahirapan," aniya. Sa pagpasok niya sa mundo ng showbiz, hindi maiiwasan ang mga intriga at kontrobersya, ngunit handa raw si Jinkee na harapin ang mga ito. “Isasagot ko sa lahat, ngitian ko na lang at tawanan ko," sabi niya. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News