Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Political adviser Llamas, aminadong nagmamay-ari ng 5 armas


Inamin ni presidential political adviser Ronald Llamas nitong Lunes na pagmamay-ari niya ang AK-47 firearm na natagpuan sa kanyang sasakyan noong isang linggo, pati na rin ang ilan pang mga firearm. Sa press briefing sa Malacañang na naganap sa pagdating ni Llamas mula Geneva, Switzerland na kung saan dumalo siya sa isang executive meeting ng United Nations Commission for Refugees, pinahayag niya na nagmamay-ari rin siya ng isang M16 rifle at tatlong short firearms, lisensyado umano ang lahat. "The firearm (AK-47) is one of several measures adopted in the wake of information I received several months back from senior members of the intelligence community that there were credible threats to my personal safety," aniya. Ayon kay Llamas, mayroong valid firearms license at permit to carry ang kanyang AK-47, isang high-powered weapon na natagpuan sa kanyang sasakyan nitong nakaraang Biyernes habang nasa abroad siya. Umalis siya ng Maynila nitong nakaraang Miyerkules. Pinahayag ni Llamas sa press conference na binili niya ang kanyang firearm nitong Hunyo at nakuha naman niya ang permit nitong Hulyo. Banta Pinaalam ng mga kapitbahay at kapamilya ni Llamas na may ilang kahina-hinalang sasakyan umano ang naka-park ng ilang mga araw malapit sa kanyang bahay sa Quezon City. "Hindi bumababa ‘yung mga tao sa loob [ng sasakyan] so we asked for help from the Philippine National Police, and for several weeks naglagay sila ng mga mobile doon sa malapit sa aming bahay," aniya. Nakatagpo rin siya ng isang itim na Honda Civic nitong Mayo na sumusunod umano sa kanya habang sinusundo niya ang kanyang anak mula sa paaralan. "Since then, we took it upon ourselves na mag-ingat at protektahan ‘yung aming mga sarili," ani Llamas. Humingi rin siya ng dagdag na sekuridad mula sa Philippine National Police nitong Setyembre. Suspects? Hindi nagbigay ng partikular na grupo si Llamas kung saan nagmula ang mga banta, ngunit kanyang pinahayag na pinangangasiwaan ng kanyang opisina ang ilang mga isyu na maaaring makasakit sa ilang grupo o personalidad. "Yung postponement ng ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) elections, mga investigation of corruption especially from the previous government, kaya maraming mga issues na pwedeng mayroon kaming mga natatapakan as Office for Political Affairs," aniya. Naniniwala si Llamas na may kakayahan siyang humawak ng isang high powered firearm sapagkat, bago pa man siya mahirang sa kanyang poste, gun enthusiast na siya tulad ni Pangulong Aquino. Sa katunayan, nakasama na niya ang pangulo sa ilang practice shooting. Dagdag pa niya, nakapag-Citizen Army Training (CAT) siya noong high school. Bakit AK-47? Pinili ni Llamas ang AK-47, na may halagang P30,000, para sa simplicity, capacity at practicality nito. Ngunit hindi pa niya ito nagagamit kahit sa practice shooting. Hindi maiwasan ang ilang mga kritiko na nag-downplay sa mga banta kay Llamas. "Baka kung nasa posisyon din na ganito sila, hindi natin masisigurado baka maramdaman din nila ‘yung intensity ‘nung pangangailangan ng security. They are entitled to their own opinion pero baka hindi pa lang nila naranasan malagay sa ganitong klaseng posisyon," kanyang sagot sa mga kritiko. Tinanggal na ni Llamas sa posisyon ang kanyang dalawang staff na sina Joey Valderama Tecson at John Brilliant Alarcon, matapos nilang gamitin ang sasakyang napasok sa aksidente. Ayon sa kanya, ang dalawa ay kanyang mga "close-in aides." Ginamit umano nina Tecson at Alarcon ang sasakyan para sa kanilang personal na pakay, na walang pahintulot mula sa awtoridad at lumalabag sa ilang mga polisiya. "I have already ordered both staff members dismissed. The formal process for their dismissal has already been initiated upon my instructions, and is currently underway," aniya. Pakikipagtulungan Ayon kay Llamas, makikipagtulungan ang kanyang opisina upang suportahan ang legal at judicial processes na maaaring makatulong sa police investigation. "I would like to emphasize and reiterate that there has been no attempt by anyone to withhold information about the incident, either from the police, media, or the public, or to allow those found responsible to escape culpability for their actions," aniya. “Neither I, nor my office, will ask for or countenance special treatment in this regard. We remain fully committed to the principles of transparency and public accountability that the President has defined his administration by," kanyang dagdag. Samantala, ipinagtanggol ni Llamas ang kanyang tauhan sa agad na pagkuha ng AK-47 mula sa sasakyan nang mangyari ang aksidente. Aniya, "Siguro yun ang kanilang judgment call. Maraming tao sa paligid, unrestricted yung vehicle." Ayon kay PNP Firearms and Explosives Office head Chief Superintendent Napoleon Estilles, maaaring humarap ang mga tauhan ni Llamas sa paglabag umano nila sa rules of handling firearms. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News

Tags: ronaldllamas