Filtered By: Topstories
News

Ex-Pres Arroyo, humingi ng permisong mag-abroad – Belmonte


MANILA – Inamin ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. nitong Miyerkules, na pinirmahan niya noong nakaraang linggo ang travel request ng dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo, para magpatingin ng kanyang karamdaman sa ibang bansa. Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Belmonte na nakasaad sa request ni Arroyo ang pagtungo sa New York at Germany. “I have actually approved her travel agenda already as early as last week to anywhere such as in New York, Germany. She has two or three destinations, some of them involved medical," ayon sa lider ng Kamara de Representantes. Naniniwala naman si Belmonte, dating kapartido ni Arroyo sa Lakas-Kampi-CMD, na hindi sasamantalahin ng dating pangulo ang pagbiyahe para takasan ang mga kasong kinakaharap sa Pilipinas. Umaasa din siya na makatutulong ang kanyang pagpapagamot sa ibang bansa para gumaling sa kanyang karamdaman. May iba pang sakit Bukod sa problema sa kanyang buto sa leeg, inihayag ng kaalyado ni Arroyo na si Quezon Rep. Danilo Suarez, na may iba pang mapanganib na sakit ngayon ang dating pangulo. Dahil umano sa “rare and life threatening illness" kaya pinapayuhan ang dating pangulo ng mga kamag-anak at kaibigan na magpagamot na sa ibang bansa. “That is the correct term, the new discovered illness is life-threatening," ani Suarez. “There is complication. There is a new discovered illness." Kabilang umano si Suarez sa mga bumisita kay Gng Arroyo sa bahay nito kamakailan sa Quezon City at doon ay personal nilang nakita na hindi maganda ang kalagayan ng dating lider. Pagkatapos ng ikatlong operasyon sa spine noong Agosto, sinabi ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Arroyo na nadiskubre ng mga duktor na mayroong “hypoparathyroidism" ang dating pangulo na isang pambihira kaso umano ng “hormonal" disease. Ang “hypoparathyroidism" ay may kaugnayan sa pagbabalanse ng dalawang mineral sa katawan— ang calcium at phosphorus. Paglilinaw ni Horn sa text message nitong Miyerkules, bagaman totoong pambihira ang naturang karamdaman, hindi naman daw ito maituturing bago dahil nadiskubre na ito ng mga duktor sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City noong Agosto. Sa kabila nito, sinabi ni Suarez na atubili pa rin si Gng Arroyo na umalis ng bansa dahil ayaw umano nitong paghinalaan siya na tatakasan ang kanyang mga kaso. “Siya hangga’t maari, ayaw niyang umalis ng bansa. Unless siguro may magbibigay sa kaniya ng advice na may ibang ospital o doktor sa ibang bansa na makakapagbigay sa kanya ng tamang paggamot," ayon kay Suarez. Malaki na umano ang nabawas sa timbang ni Gng Arroyo at hirap itong kumilos dahil sa mga nakalagay na braces sa leeg. “The last time we saw the (former) President, she has lost a lot of weight. She’s still wearing braces to support her neck. And I could say that she’s not comfortable, she’s in pain," kwento ng kongresita. Sinabi naman ni Zambales Rep. Milagros Magsaysay, na hirap maglagay si Arroyo sa mga hindi patag na daan. “She cannot go up and down. Kailangan level lang nilalakaran," ayon sa kongresista. -- GMA News