Filtered By: Topstories
News

PNoy, wala raw isang salita, ayon kay Sen Marcos


MANILA – Binatikos ni Sen Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Miyerkules si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, matapos ideklara ng huli na hindi niya bibigyan ng state burial ang ama ng una na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. "It is very hard to deal in good faith with somebody who does not have one word on the subject," pahayag ni Sen Marcos nang makapanayam ng media. Una rito, inihayag ni Aquino sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) forum nitong Miyerkules ng umaga, na hindi maaaring bigyan ng state burial ang nakatatandang Marcos dahil sa mga nagawa nitong paglabag sa karapatang pantao noong ideklara ang Batas Militar. Ngunit tanong ni Sen Marcos, para saan pa ang ginawang pagtatalaga ni Aquino kay Vice President Jejomar Binay na magsagawa ng konsultasyon sa paglilibing sa kanyang ama kung mayroon na pala itong sariling desisyon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang konsultasyon ay ginawa ni Binay dahil na rin sa kahilingan ng mga Marcos na hayaang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating dikdator. "Nagtataka ako bakit pa tayo pinag-aksaya ng panahon kung ‘di naman talaga susundin yung mga rekomendasyon, mga study. Mukhang sarswela lang pala lahat tong ating ginawa. It turns out it was a futile exercise," ayon sa senador. Hinala pa ng nakababatang Marcos, tila ikinunsidera lamang umano ni Aquino ang mungkahi para makakuha ng boto noong panahon ng kampanya. "Sa aking pananaw eh nakapagdecide na pala siya bago pa nung kampanya... yung salita nung kampanya para lang makakuha ng boto," himutok ng senador. "Hindi pala siya tapat sa kanyang sinabi nung kanyang pagka-upo. It was play acting on his part, the President's part." Inilarawan din ng senador ang desisyon ni Aquino na, 'not President-like.' "He has wasted a very good opportunity to unify the nation. He obviously does not want to heal those divisions... he wants to widen those divisions, which brings us to the conclusion he's not a natural leader," ayon kay Sen Marcos. Sinabi naman ni Binay na dapat tanggapin at igalang ang desisyon ni Aquino dahil karapatan niya ito bilang pangulo ng bansa. Batay sa naunang rekomendasyon ni Binay kay Aquino, dapat mailibing ang dating pangulo sa Ilocos Norte pero dapat bigyan ng full military honors. Ngunit hindi rin sang-ayon si Aquino na bigyan ng full military honors ang nakatatandang Marcos. - GMA News