Filtered By: Topstories
News

Pag-atras ng mining firm sa Romblon, ikinalugod


Itinuturing tagumpay ng mga mamamayan ang desisyon ng isang kumpanya sa pag-mimina na huwag nang ituloy ang kanilang pakay sa lalawigan ng Romblon. “It is indeed the unity & strong opposition of the people of Romblon against mining which resulted to the withdrawal of the application for exploration permit of Ivanhoe Philippines. This is a giant step towards a mining-free Romblon," pahayag ni Romblon Rep Eleandro Jesus Madrona, nitong Huwebes. Ayon sa kongresista, nakatanggap siya ng sulat na may petsang Oktubre 11, 2011, mula kay Roland De Jesus, regional director (IV-B) ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), tungkol sa pag-atras ng Ivanhoe Philippines. Noong Setyembre 30, 2011 umano ipinarating sa MGB ni Leo S. Deiparine, presidente ng Ivanhoe Philippines, ang desisyon ng board na huwag nang ituloy ang kanilang proyektong pagmimina sa Tablas Island sa Romblon. Bukod sa kabilang ang Tablas sa tinatawag na “low priority exploration target" ng Ivanhoe Philippines, ang matinding pagtutol ng mga residente at lokal na opisyal sa lalawigan ang dahilan kaya iniurong na nila ang aplikasyon sa gagawing pagmimina. Ang Ivanhoe Philippines ay subsidiary ng Ivanhoe Mines na nakabase sa Canada. “Natutuwa kami at nakinig sila sa panawagan ng mga mamamayan," pahayag ni Madrona sa isang text message sa GMA News Online. Una rito, naghain rin ng panukalang batas si Madrona, na humihiling na ideklarang mining free zone ang buong lalawigan ng Romblon. Ang Romblon na kilala na pangunahing pinagkukunan ng marmol ay nahahati sa tatlong isla – ang Romblon, Tablas at Sibuyan. Samantala, nagpalabas naman si Romblong Gov. Firmalo Executive Order No. 1 na nag-uutos na ipatigil ang metallic mining sa buong lalawigan. Gayunman, sinabi ng Romblon Ecumenical Forum Against Mining (REFAM), sa pamamagitan ng mga covenor nito na sina Msgr. Nonato Ernie Fetalino, at Bishop Ronelio Fabriquer, na panimulang tagumpay pa lamang ang kanilang nakamit. "This victory of the people is just the beginning, the challenge to protect our islands is a life-long commitment," ayon sa pahayag ng grupo. Ipinaabot din ni Jaybee Garganera, national coordinator ng Alyansa Tigil Mina (ATM), ang pagbati sa tagumpay ng mga mamamayan ng Romblon at umaasa sila magagawa rin ito sa iba pang lalawigan. “If the province of Romblon can do it, the local government units and communities in other parts of the country resisting this destructive industry can now stand up more proudly to assert their power to decide," pahayag ng ATM. - GMA News

Tags: mining, romblon