Filtered By: Topstories
News

2 suspek sa pagpatay sa 19-anyos na UPLB student, nadakip na


Nahuli na ang dalawang suspek sa brutal na pagpatay at posibleng panghahalay sa isang 19-anyos na estudyante ng University of the Philippines (UP) Los Baños, Laguna. Nitong Biyernes, inihayag ni Laguna police chief Senior Superintendent Gilbert Cruz, na nadakip ang security bank ng isang bangko na si Lester Ivan Lopez Rivera. Nauna namang nadakip nitong Huwebes ang isa pang suspek na si Percival de Guzman, isang tricycle driver. "Kahapon meron tayong nakuhang isang suspect diyan, tricycle driver, at sasakyan na ginamit sa pag-abduct at pagtapon sa pinagpatayan ng bata. Ngayon lang, may news kami nakuha ang isa sa pumatay, Lester Ivan Lopez Rivera," pahayag ni Cruz sa panayam ng dzBB radio. Hindi binanggit kung papaano at saan nahuli ng mga awtoridad si Rivera. Pero sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabi nadakip si Rivera sa resettlement sa Floridablanca, Pampanga, nitong Biyernes ng madaling-araw.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nahuli daw ang suspek sa pakikipagtulungan na rin ng mga kamag-anak nito. Dumating daw si Rivera sa Pampanga nitong Huwebes ng gabi at ipinagtapak sa kanyang lolo ang kinasangkutan niyang krimen sa UPLB. Kaagad umanong nakipag-ugnayan ang lolo ng suspek sa mga opisyal ng barangay na dahilan ng pagkakahuli sa suspek. Bagaman naiiyak ang lolo sa ginawang pagsuplong sa apo, hindi umano niya ito pinagsisihan. Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ng biktima dahil sa krimen na nagawa ng apo kung lalabas na tunay itong may sala. Sina Rivera at de Guzman ay hinihinalang sangkot sa pagpatay kay Given Grace Cebanico. Nakita ang mga labi ni Cebanico sa madamong lugar sa UPLB noong Martes at may indikasyon na siya ay pinagsamantalahan. Nakita ang mga labi ni Cebanico na nakaposas ang kamay, may busal ng tela sa bibig at may sugat sa ulo na pinapaniwalaang tama ng bala. Ang dalawa ay itinuro umano ng isang testigo na nakasaksi nang dukutin ang biktima at isakay sa tricycle. Sinabi ni Cruz na si Rivera ay guwardiya sa isang bangko na malapit kung saan sapilitang isinakay ang biktima habang naglalakad sa kalye. Batay sa mga naunang ulat, mula sa isang apartment kung saan gumawa ng project si Cebanico, pauwi na ito sa kanyang dormitoryo sa UPLB na hindi kalayuan sa apartment nang dukutin ng mga salarin. "Siya ang guard na sinasabi ng tricycle driver, ito ang bumaril at ang baril na ginamit kinukuha sa agency nila," ayon kay Cruz. Hinihinala na ang posas na nakuha kay Cebanico ay ginagamit ni Rivera sa kanyang trabaho bilang security guard. Idinagdag ng opisyal na patuloy na inaalam ng mga imbestigador kung positibong pinagsamantalahan ang biktima. "Sa ngayon indicators nakita natin na hinalay dahil nakita natin wala siyang saplot sa ibaba at naka-unstrap ang bra sa pang-itaas," ayon kay Cruz. — FRJ, GMA News