Filtered By: Topstories
News

Dapat na nga ba siyang umuwi ng Pilipinas?


Ilang beses at buwan na rin akong tinatanong ng nanaynayan ko dito sa Gitnang Silangan kung uuwi na ba siya sa ating bansa o maghintay pa muli siya ng ilang buwan o taon.


Hindi ako nagtataka at hindi rin ako nagsasawang makinig sa kanya kapag inulit-ulit niya ang pagtatanong sa kanyang plano. Ilang tao na mahal niya sa buhay ang pumanaw sa Pilipinas na hindi niya nakita – kabilang na rito ang kanyang mister.
-- Weng
Kung ako ang masusunod, nais ko na sana siyang umuwi dahil sa maraming kadahilanan. Isa na rito ang kanyang edad na abot na sa 60. Mahigit 10 taon na siyang nagtatrabahong domestic helper dito sa isang pamilya na kababayan din naman natin. Malayo ang agwat ng edad namin. Gaya niya, kasambahay din ako dito sa mainit na bansang ito. At dahil malayo ako sa aking mga magulang, siya na ang itinuring kong nanay. Sa tingin ko naman, anak na rin ang turing niya sa akin. Kung ako ay nagpapakahirap dito para may maipadala sa aking mga magulang at kapatid, siya naman ay patuloy na nagbabanat ng buto para sa kanyang mga anak sa Pilipinas. Sabi niya, may mga pamilya na rin ang mga anak niya pero hindi naman maganda ang katayuan sa buhay. Sabi niya, siya lang ang inaasahan ng kanyang mga anak kapag nagigipit, ganundin sa ilan pa niyang kamag-anak na mahihirap din. Ang sitwasyon iyon kaya patuloy siyang nagbabanat ng buto at nagpupuyat sa kabila ng kanyang edad. Akala noon ay nakalimutan na niya ang kanyang katanungan tungkol sa pag-uwi. Pero minsan na magkita uli kami sa labas habang nagpapalipas ng oras, muli niyang nabanggit ang kanyang plano na umuwi na sa bansa para makapiling ang kanyang pamilya. Sa kwento niya, dama ko ang pangungulila niya sa kanyang mga mahal sa buhay. Sa kwento niya, dama kong sabik na sabik na siyang makauwi sa kanyang probinsiya na matagal na raw niyang hindi nagagawa. Hindi ako nagtataka at hindi rin ako nagsasawang makinig sa kanya kapag inulit-ulit niya ang pagtatanong sa kanyang plano. Ilang tao na mahal niya sa buhay ang pumanaw sa Pilipinas na hindi niya nakita – kabilang na rito ang kanyang mister.

Ang sitwasyon ng aking nanaynayan ay nagsisilbing paalaala sa akin. Tulad ng lahat, tatanda tayo, hihina ang katawan, mangungulila at mag-iisip na umuwi sa ating bayan, sa ating pamilya.

Masakit man daw sa kanyang loob ang mga pangyayari na hindi nakauwi, wala raw siyang magawa. Sa kanyang edad, mahihirapan daw siyang bumalik dito kapag umuwi sa Pilipinas. Bukod dito, illegal na rin ang kanyang pananatili nang lumipat siya ng amo at iwan niya ng walang paalam ang dati niyang amo na malupit. Kapag tuluyan niyang napagdesisyunan na umuwi, inaasahan niya na ang kanyang edad ay magiging konsiderasyon para tulungan siya ng ating embahada na makabalik sa Pilipinas. Pero kapag naiisip niya kung ano ang magiging kapalaran niya at ng kanyang mga anak kapag umuwi siya, doon muling nagbabago ang kanyang isip. Sa kanya nga namang edad, anong trabaho pa ang kanyang mapapasukan? Hindi naman siya makapagtatayo ng maliit na negosyo dahil halos wala rin siyang naiipon dahil naipapadala niya sa Pilipinas lahat ng kanyang sahod. Isa pang alalahanin niya ay ilang buwan na siyang hindi pinapasahod ng kanyang amo. Kung makukuha daw niya ang mga naipong sahod ay baka magdesisyon na siyang umuwi. Pero lahat ng ito ay walang katiyakan, lahat ay depende, lahat ay nakabitin sa salitang “kung." Ang sitwasyon ng aking nanaynayan ay nagsisilbing paalaala sa akin. Tulad ng lahat, tatanda tayo, hihina ang katawan, mangungulila at mag-iisip na umuwi sa ating bayan, sa ating pamilya. Ipinagdarasal ko lang na sana’y magkaroon ng kasagutan ang tanong ng aking nanaynayan sa panahon na malakas pa ang kanyang katawan at pag-iisip. Para kapag nakita na niya ang kanyang mga mahal sa buhay sa Pilipinas, mahigpit pa niyang mayayakap ang mga ito. - GMA News Weng Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!