Filtered By: Showbiz
Showbiz

Amaya cast, nagpasalamat sa pag-extend ng palabas


Nagtipun-tipon ang cast, staff, at fans ng GMA 7 prime-time epicserye Amaya sa isang thanksgiving Mass at dinner noon Huwebes upang ipagdiwang ang tagumpay at ang pag-exend hanggang Enero ng palabas. Magtatapos na sana ang epicseryeng ito ngayong Oktubre, ngunit dahil sa patuloy na pagtaas ng ratings, napagpasyahan na i-extend ang palabas hanggang ika-13 ng Enero 2012. Sinimulan ang pagdiriwang sa isang Misa ng pasasalamat sa pamumuno ni Fr. Nilo Cardizobahl, OP, na agad sinundan ng isang simpleng salu-salo at press conference. Sa press conference, ipinahayag ni Direktor Mac Alejandre ang lubos niyang pasasalamat sa mga sumuporta at patuloy na sumusuporta sa Amaya. "Maraming salamat po sa pagsuporta ninyo sa amin. Patuloy pong namamayagpag ang Amaya. Maraming salamat dahil ang show po ay extended hanggang January 13. We still have greater plans for the show. Patuloy po naming hinihingi ang inyong suporta," aniya. Lubos ding ikinatuwa ni Sid Lucero, gumaganap bilang Bagani sa Amaya, ang pagpatok ng palabas kahit kakaiba ito. Aniya, "Maraming-marami sa mga tumangkilik dahil sa inyo, napatunayan ng GMA na hindi lang puro love stories or fantasy nalang, na hindi talaga kailangang ganoon. At dahil sa inyo, mas malakas ang loob ng industriya na magbigay ng something different. Sana patuloy kayong sumuporta sa mga bagong klaseng shows." Kasabay sa pag-extend ng Amaya ang pagdagdag ng ilan pang mga tauhan tulad nina Aljur Abrenica, Aubrey Miles, Diana Zubiri, at Yasmien Kurdi. Amaya the Movie? Naging matunog ang isyu na gagawin umanong pelikula ang Amaya. Ayon kay Direktor Alejandre, hindi pa napag-uusapan ang pagsasapelikula ng palabas ngunit aminado naman siyang magandang ideya ito. "Magandang isipin na gawing pelikula. Hindi pa 'yun naiisip. Focus muna sa TV series. Malayo pa ang tatahakin. Maybe after the series nalang, magandang idea 'yan," aniya. Pabiro namang sinabi ng bidang si Marian Rivera nang tanungin kung tuloy na ba ang pelikula, "Masyadong mahaba for movie!" Buong suporta ng fans Dumalo rin sa tipun-tipon ang ilang mga fans ng Amaya na patuloy na sumusuporta sa palabas. Isa si Ivy Junio, miyembro ng fan group na Dongyan Onliners Tribe International, na dumalo upang makita at maka-usap ang kanyang idolo na si Marian Rivera. Ayon sa kanya, "Lahat ng teleserye ni Marian, sinubaybayan namin siya parati." Para naman kay Charles Singson, miyembro ng fan group na Amayadics, patuloy ang pagtangkilik ng kanyang grupo sa paborito nilang palabas. "The historical background, educational cultural lessons na napupulot namin, sa family values, relationships, even sa sinaunang civilization. Doon kami proud na proud bilang Amayadics para sa Amaya," aniya. Dagdag pa niya, umaabot na sa 65,000 likes ang kanilang fan group page sa Facebook para sa palabas. — LBG, GMA News

LOADING CONTENT