Filtered By: Topstories
News

Italyanong pari, pinatay sa North Cotabato


Pinatay ang isang Italyanong pari sa loob ng compound ng Mother of Perpetual Help parish church sa Arakan, North Cotabato nitong 7:30 a.m. ng Lunes. Naghahanda lamang si si Father Fausto Tentorio ng Pontifical Institute for Foreign Mission (PIME) ng kanyang mga gawain para sa araw na iyon nang barilin at patayin siya ng isang di kilalang suspek. Ayon kay Arakan municipal councilor Leonardo Reovoca, dating parish worker ng Diocese of Kidapawan, isang anti-mining advocate umano si Father Tentorio. "I am a witness to Father Fausto’s strong stance against mining and other projects which are not sustainable and would harm and affect the indigenous peoples. In particular," aniya. Pasakay pa lamang ang pari sa kanyang sasakyan nang barilin siya ng isang suspek sa ulo ng dalawang beses, ayon kay Reovoca. Ayon naman sa ilang mga testigo, nakasuot ang suspek ng isang crash helmet at naglakad paalis mula sa scene of the crime patungo sa kanyang motorsiklo na nakaparada ilang metro lamang ang layo mula sa compound ng simbahan. Hindi umano nakilala ang suspek dahil natakpan ang mukha nito sa helmet na kanyang suot. Kasalakuyan pang nagi-imbestiga ang kapulisan sa kung sino ang pumatay ang kung ano ang motibo nito. Pagpatay sa iba pang Italyanong pari Noong 1980s, ibinalita rin ang pagpatay sa isa pang Italyanong pari na si Father Tullio Favali. Ayon sa GMA News Research, binaril at pinatay ni Edilberto Manero si Favali noong Abril 11, 1985 sa Tulunan, North Cotabato. Nagplano ang magkakapatid na Edilberto Manero, Norberto Manero Jr., Elpidio Manero, at iba pa sa pagpatay ng mga hinihinalang kakampi ng mga komunista. Ang naunang plano ng grupo ay ang pagpatay kay Fr. Peter Geremia, isang Italyanong pari. Napagkasunduan nila kung hindi mapatay si Geremia, papatayin na lamang nila ang isa pang Italyanong pari. Matapos ang ilang oras, nakita ng grupo si Favali, sakay sa isang motorsiklo. Pagpasok ni Favali sa loob ng bahay, kinuha ni Norberto Jr. ang motorsiklo ng pari at inilagay sa gitna ng daan at isinunog. Dahil dito, agad na lumabas si Fr. Favali upang lapitan si Norberto Jr. ngunit agad na ibinaril siya ni Edilberto. Tinapak-tapakan ni Edilberto ang katawan ni Favali at ibinaril muli nito ang ulo ng pari. Matapos nito, tumawa lamang ang magkakapatid at iba pa nilang mga kasama. Noong Enero 25, 2008, nakalabas na ng presinto si Norberto Jr., hinatulan bilang priest-killer matapos ang 23 na taong pagkabilanggo. Ayon sa ulat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong Pebrero 2008, sinalubong ng mga pari, madre at mga tao si Norberto Jr. para sa isang prayer service sa chapel ng Bishop's House. Pumirma na muli si Norberto Jr. nitong 2005 sa kasunduan kasama ang diocese ng Kidapawan na nagpapatunay na hindi na siya babalik sa kanyang marahas na buhay noong 1980s. “I must be the happiest now that I have been welcomed and forgiven," pahayag ni Manero sa ulat ng CBCP. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News