Filtered By: Topstories
News

Tubig-poso sa ilang barangay sa Pampanga, positibo sa E. coli


Nagpositibo sa E. coli ang tubig poso sa anim na barangay sa Masantol, Pampangga kung kaya inirekomenda ng Philippine Medical Association (PMA) na magsagawa ng chlorination sa mga pinagkukuhanan ng tubig ng mga apektadong lugar, ayon sa ulat ni Saleema Refran para sa "News To Go" ng GMA News TV. Ayon sa mga doktor, dahil sa matagal na pagbaha, nakontamina ng dumi ng mga hayop at maging ng tao ang mga pinagkukuhanan ng tubig ng mga residente tulad ng mga balon at poso. Namigay na ang PMA ng chlorine solution sa mga residente upang gamiting panlinis sa kanilang tubig.

Delikado ang E. coli bacteria sa kalusugan ng mga tao sapagkat maaari itong magdulot ng mga sakit tulad ng diarrhea. Nangangamba ang PMA na maaaring hindi lamang sa Pampanga mayroong kontaminasyon ng E. coli bacteria, kung hindi pati na rin sa ibang mga lugar na nalubog din sa baha tulad ng Hagonoy at Calumpit sa Bulacan. Ayon naman kay Health Undersecretary Eric Tayag, kinakailangang ipagpatuloy ang pag-disenfect ng tubig sa pamamagitan ng paggamit ng chlorine solution o pagpapakulo nito ng tatlong minuto. "Ang mga kababayan nating hindi makakakuha ng chlorine solution, 'yung pagpapakulo ang second alternative. Mayroon pang pangatlong alternative, 'yung nirarasyon na malinis na tubig," aniya. Dagdag pa niya, hindi delikado ang paggamit ng chlorine solution. "'Yung tubig na nanggagaling sa gripo natin, cholorinated," aniya. Ilang patak lamang ng chlorine solution ang ilalagay sa tubig at kinakailangang iwan ng kalahating oras upang tuluyang mawala ang bacteria at pati na rin ang amoy. Ilan lamang sa mga sakit na maaaring makuha mula sa pagkontamina ng tubig ay:
  • Cholera,
  • Hepatitis A,
  • Salmonella (causes Typhoid fever),
  • E. coli, at
  • iba pang mga virus. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
  • Tags: ecoli, pampanga