Filtered By: Topstories
News

Mga testigo, idinawit si Arroyo sa 2004 'bribe attempt'


Idinawit ng ilang panibagong testigo nitong Martes si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na namigay umano ng suhol kapalit ng kanyang pagkapanalo sa 2004 presidential polls. Inihayag ni dating Judge Cesan-Ali Limbona sa Senate blue ribbon committee ang kanyang pagtulong sa dating Shari'a court judge sa paghahanap ng mga tauhang maaaring makatulong kay Gng. Arroyo sa pagkuha ng mga botong makapapanalo sa kanya sa 2004 elections. Sa nakaraang pagdinig ng Senate blue ribbon committee, inihayag ni dating Shari'a court judge Nagamura Moner ang kanyang pagtulong sa pamimigay ng suhol para kay Gng. Arroyo noong 2004 elections. "I affirm the statement of Judge Moner," pahayag ni Limbona nitong Martes sa pagdinig. Isinaad naman ni Moner na tinawagan niya umano si Limbona noong May 2004 upang makahingi ng "contact" sa Sultan Kudarat, kung saan lubusang natatalo si Gng. Arroyo laban sa kanyang kalabang si Fernando Poe Jr. Ipinakilala umano ni Limbona si Lintang Bedol, dating Maguindanao election supervisor. "I told him after that to talk to Lintang Bedol and ask him if he can do something to the provincial canvassing in Sultan Kudarat so that GMA (Gng. Arroyo's initials) will be made to win in Sultan Kudarat,"aniya. Ayon kay Moner, binigyan niya ng P50,000 si Bedol upang ihandog kay Limbona. Nilinaw naman ni Limbona na ang P50,000 na iyon ay reimbursement lamang mula sa isang operasyon at P5 lamang para sa bawat boto kay Gng. Arroyo ang kanyang nakuha mula kay Bedol. "He (Bedol) agreed in principle," aniya. Sa huli, hindi na binayaran si Bedol sapagkat nabayaran na siya ng ibang contacts para sa trabahong kanyang nagawa. Panibagong testigo Maliban kay Limbona, tumestigo rin ang propesor na si Mauluwi Calimba upang ikumpirma ang pamimigay ni Moner ng suhol sa mga election officer sa Lanao del Sur sa Marawi City. Ayon kay Calimba, binibisita lamang niya si Moner, na dati niyang propesor, nang utusan siyang pumuntang Marawi upang kausapin ang mga election officers. Ipinaalam naman ni Calamba na naroon lamang siya upang mag-"observe" sa kanila para sa papel na kanyang ginagawa. "We are all victims of a system, no one can be faulted," aniya. Sa nasabing pagdinig, inihayag din ni Amer Hassan Doro, dating mag-aaral ni Moner, na tumulong din siya sa pamimigay ng suhol sa ilang mga tao. Ayon sa kanya, binigyan niya ang ilang kapulisan ng P5,000 hanggang P8,000 noong 2004. "(I gave money) to PO2 Sabal and his companion," aniya. Kasalakuyan pang hinihingi ng GMA News Online ang reaksyon ni Gng Arroyo tungkol sa dalawang nadagdag na testigo laban sa kanyang kampo. Paulit-ulit nang ipanahayag ng kampo ni Arroyo ang kanilang pagiging inosente sa mga paratang pandaraya umano nila sa 2004 at 2007 poll fraud. Sa nasabing pagdinig, nauna nang inihayag ni dating Civil Aviation Authority of the Philippines director general Alfonso Cusi na walang bribery attempts ang naganap noong 2004 polls. Nitong nakaraang linggo sa pandinig ng Senate blue ribbon, umamin si Moner na may ilang mga taong namigay ng suhol para sa operasyon. Ayon kay Moner, mayroon na umanong nagbayad sa 17 elected officers ng Lanao del Sur ng P15,000 bawat isa upang masiguro ang pagkapanalo ni Arroyo. Tumanggi siyang pangalanan kung sino ito. Samantala, nitong Martes, inihayag ni Calimba, na maliban sa kanila, namigay rin umano si Marawi City administrator Barry Macaumbos ng suhol para kay Gng. Arroyo. "He is a friend of mine also... we were together in the DENR (Department of Environment and Natural Resources)," aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News