‘Pagdurugo’ ng utak ni Jolo, ikinabahala nina Sen Bong at Cong Lani
Ikinuwento ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr. kung gaano sila nabahala ng kanyang misis na si Congresswoman Lani Mercado nang unang na-diagnose na ang pagdurugo sa utak ang maaaring dahilan ng pananakit ng ulo ng kanilang anak na si Jolo Revilla. Sa panayam ni showbiz reporter Lhar Santiago, sinabi ni Sen Bong na kaagad silang humingi ng second opinion sa natuklasang kondisyon ni Jolo para makasiguro sa tunay na karamdaman ng anak. “Thank God at least hindi yung unang findings na sinasabing bleeding yung kanyang brain, siyempre kaya namin ipina-second opinion. Buti na lang maganda yung turnout nung test. Medyo swollen siya because siguro overwork siya," pahayag ni Sen Bong sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nakalabas na raw ng ospital si Jolo pero sa kanila raw nakatira ang anak. Pinagbilinan din ng senador ang anak na maghinay-hinay sa trabaho dahil nakataya na rito ang kanyang kalusugan, lalo na ang utak. Samantala, masaya si Sen Bong sa takbo ng ginawa niyang Panday 2 kung saan pinagsama-sama ang malalaking artista na kaya na raw gumawa ng dalawa hanggang tatlong pelikula. Bukod sa nagbabalik na kontrabida sa Panday 1 na si Philip Salvador, kasama sa cast ng Panday 2 sina Marian Rivera, Iza Calzado, Rhian Ramos, Lorna Tolentino, Alice Dixon at Rep. Lucy Torres-Gomez. “Perfect sila sa kada role na ginampanan nila at talagang iba ang dating. Kaya sabi ko nga yung cast pa lang nung Panday talagang parang dalawa o tatlong pelikula na pwedeng mabuo," anang senador. Dahil naging mahaba ang preparasyon sa Panday 2, napili ng husto ang mga artistang kasama sa film fest movie at mas pulido ang effects nito lalo na sa mga bagong creature sa pelikula katulad ng dragon. - FRJimenez, GMA News